Nagmula mismo kay Lipa City Councilor Mikee Morada na muli silang nawalan ng pagkakataong magka-baby na sana ng misis na si Alex Gonzaga, sa panayam mismo ng kapatid nitong si Toni Gonzaga, sa "Toni Talks."
Matatandaang noong Nobyembre 2023 ay ibinalita ni Alex sa kaniyang followers ang pagkaka-miscarriage niyang muli sa anak nila ni Mikee.
MAKI-BALITA: Alex Gonzaga, muling nakunan
Unang beses namang nakunan si Alex noong 2021.
MAKI-BALITA: Alex Gonzaga, binasag na ang katahimikan hinggil sa pagbubuntis
Disyembre 2024 daw nangyari ang muling pagkakunan ng misis, saad niya sa panayam sa kaniya na umere nitong Sabado, Enero 15, 2025.
Ipinangako pa naman daw ng mag-asawa sa isa't isa na mag-iingat na talaga sila kung sakaling makabuo na ulit.
"No'ng nalaman namin na pregnant kami for the third time, nagpa-check up kami kaagad sa OB and okay naman," salaysay ni Mikee.
"Tapos nag-decide kami na mag-iingat na talaga siya and the second week, okay pa 'yong ultrasound."
“Hanggang do'n sa pangatlong linggo, sabi sa amin ng doctor, 'Naku, wala na namang laman. Blighted ovum ulit,” aniya pa.
Ang "blighted ovum" ay isang medical term na tumutukoy sa isang uri ng miscarriage kapag ang isang fertilized egg ay nag-develop sa loob ng sinapupunan ngunit hindi nagkaroon ng embryonic development.
Ibig sabihin, walang embryo na nabuo kahit na may gestational sac. Puwedeng dulot ito ng genetic issues o hormonal imbalances sa katawan ng babae.
Sa iba pang termino, kilala rin ito bilang "anembryonic" o "no embryo pregnancy" at kadalasan ay nauuwi nga sa pagkakalaglag, kaysa nga naman sa manganib ang buhay ng ina.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Mikee, sinabi niyang nagpa-second opinion sila upang makatiyak nga sa kalagayan ng magiging panganay sana nila.
Matapos ang pagsusuri kay Alex, napag-alamang mahina raw ang pintig ng puso ng baby sa sinapupunan ng misis.
"Nalaman namin na mababa 'yong heartbeat, na 65 lang. So that same day, pumunta kami sa ospital, triny namin habulin, baka ma-save pa 'yong baby," anang Mikee.
Pero sa muling pagkonsulta nila ay wala na raw heartbeat ang baby.
Nagpakatatag daw si Alex sa pangatlong pagkakataong ito, subalit pagkauwi raw ng bahay, doon na bumuhos ang emosyon ng misis.
Samantala, sa nabanggit ding panayam, isinalaysay din ni Mikee ang pagkakataong isang artista raw ang nagsabi sa kaniyang huwag nang ligawan pa si Alex, noong mga panahong nanliligaw pa siya sa kaniya.
“Siya talaga ‘yong gusto kong makilala. Tapos no’ng nakikilala ko siya unti-unti lumalalim, ito parang makakasama ko ‘to habang-buhay,” anang Mikee.
MAKI-BALITA: Mikee Morada, binalaan daw ng isang artista: 'If I were you, 'wag na si Alex!'