Ibinahagi ni newest Kapuso actor Tony Labrusca ang ilan sa favorite features niya sa kaniyang “Binibining Marikit” co-star na si Herlene Budol.
Sa isang episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” kamakailan, sinabi ni Tony na paborito raw niya ang labi at mata ng katrabaho.
Ayon sa kaniya, “Isa sa favorite features ko kay Herlene ay ‘yong labi niya. She got beautiful lips. Saka napa-expressive ng mata ni Herlene.”
“Alam n’yo, kapag nag-eeksena kami marami siyang emotional na scene, maraming sinasabi ang mata na Herlene. Napakaganda ng mata niya,” dugtong pa ni Tony.
Usisa tuloy ni Boy, “Ano sa palagay mo ang huling sinabi ng mga mata niya sa ‘yo no’ng huli kayong nagkita?”
Matagal bago nakasagot si Tony. In fact, nagpatulong pa nga siya kay Boy. Pero ayon sa kaniya, ang nabasa raw niya sa mata ni Herlene noong huli silang nagkita ay “mag-ingat ka, Drew.”
Si Drew na tinutukoy ng aktor ay ang karakter na gagampanan niya sa “Binibinig Marikit.” Magsisimula itong mapanood sa GMA Afternoon Prime sa darating na Pebrero 10.