January 21, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Bakit ipinagdiriwang ang ‘National Hugging Day’ tuwing Enero 21?

BALITAnaw: Bakit ipinagdiriwang ang ‘National Hugging Day’ tuwing Enero 21?
MB file photo

Sa gitna ng bigat ng mga bagaheng inilalagak ng buhay, minsan, simple lang ang kailangan para gumaan kahit papaano ang nararamdaman: isang mahigpit na yakap.

Kaya’t ngayong National Hugging Day, Enero 21, huwag nang mag-atubiling yakapin ang iyong mga mahal sa buhay at hayaang tumanggap din ng yakap mula sa kanila.

Ang kuwento ng pagsisimula ng National Hugging Day tuwing Enero 21

Ayon sa mga ulat, itinakda ni Kevin Zaborney mula sa Clio, Michigan, USA, ang National Hugging Day noong Enero 21, 1986.

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ilang oras inabot ang Traslacion taon-taon sa nakalipas na isang dekada?

Pinili umano ni Zaborney ang Enero 21 bilang araw ng pagyakap dahil pinagigitnaan ng araw na ito ang Pasko, Bagong Taon at Araw ng mga Puso. Batid niyang sa panahong ito nalulumbay ang mga tao.

Umaasa si Zaborney na sa pamamagitan ng pagtakda ng araw na ito ng araw ng pagyakap, mabibigyan ng lakas ng loob ang mga tao na yakapin ang kanilang mga mahal sa buhay na siyang magbibigay ng kasiyahan o magpapagaan sa kanilang nararamdaman.

Sa kasalukuyan ay ipinagdiriwang na ang Enero 21 bilang National Hugging Day sa buong mundo taun-taon.

“The purpose of this date is to promote human connectedness through positive touch, and in this case, through hugging family and friends,” pahayag ni Zaborney.

Nagmula ang salitang “hug” sa salitang “hugga” na ang ibig sabihin sa Old Norse language ay “to comfort”.

Marami nang pag-aaral ang nagpapatunay na nakapaglalabas ng oxytocin o happy hormones ang pagyakap na siyang nakapagpapabawas naman sa stress o mabigat na nararamdaman ng isang tao. Makatutulong din daw ito upang mapabuti ang kanilang kalusugan.

Kaya naman, huwag nang mag-atubiling yakapin ang iyong mga mahal sa buhay hindi lamang ngayong araw.

Happy National Hugging Day!