Tila hindi raw nalalayo ang kagandahan ni Kapuso actress Arra San Agustin sa South Korean star na si Kim Ji Won.
Sa eksklusibong panayam ng GMA News Online kamakailan, nagbigay si Arra ng reaksiyon sa umano’y pagkakahawig nila ng South Korean star.
“‘Pag nakikita ko ‘yon na kino-comment sa mga accounts ko, siyempre kinikilig ako kasi gandang-ganda ako kay Kim Ji Won and napanood ko siya sa ‘Descendants [of the Sun]’ and ‘Arthdal Chronicles,’ and sobrang naging fan niya ako after no’n,” saad ni Arra.
Kaya nang tanungin ang Kapuso actress kung nakikita rin ba niya ang pagkakahawig nila ni Ji Won, sinabi niyang baka raw sa jaw line.
“At tsaka baka sa ilong or sa mata na parang bilog pero parang chinky sa gilid,” dugtong pa niya.
Ngunit inamin naman ni Arra na bagama’t natutuwa at kinikilig siya sa komentong magkamukha nga raw sila ng South Korean star, nahihiya rin daw siya.
Matatandaang gumanap din si Ji Won sa patok na KDrama series na “Queen of Tears” noong 2024 kasama sina Kim Soo-hyun, Park Sung-hoon, Yoon Bomi, at iba pa.