Nagbigay ng reaksiyon ang Kapamilya actor na si Richard Gutierrez sa pagbabansag na cheater daw silang mga cast ng upcoming action series na “Incognito” ng ABS-CBN.
Naglitawan kasi ang mga mungkahing mas bagay daw ang titulong “The Cheaters” sa nasabing teleserye matapos pumutok ang isyu nina Anthony Jennings at Maris Racal.
Sa latest episode kasi ng “Ogie Diaz Inspires” noong Huwebes, Enero 16, tinanong ni Ogie kung napikon ba si Richard sa mga komentong nagsama-sama raw ang mga cheater sa “Incognito.”
“Hindi ba kayo napikon do’n sa isyung nagsasama raw ang mga cheaters?” usisa ng showbiz insider.
“Hindi naman nila alam ang bawat kuwento ng nangyari,” saad ni Richard. “Gusto lang nilang mag-trending. Naiintindihan ko naman na ‘yong mga tao ngayon very active sa social media pero sana siyempre ingatan din nila ‘yong mga words nila; ‘yong mga sinasabi nila.”
Dagdag pa ng aktor, “Pero ako honestly, hindi ko na rin masyadong pinapansin o pinapaapekto sa akin ‘yong mga gano’n. Kasi ‘yong mga taong kilala ko, ‘yong pamilya ko, ‘yong kaibigan ko, alam naman talaga nila ‘yong totoo.”
Matatandaang nasangkot si Richard sa umano’y cheating issue matapos niyang ma-link sa aktres na si Barbie Imperial sa kasagsagan ng isyu ng hiwalayan nila ng misis na si Sarah Lahbati.