May 21, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Ano ang pagkakaiba ng ‘Flores de Mayo’ at ‘Santacruzan?’

Ano ang pagkakaiba ng ‘Flores de Mayo’ at ‘Santacruzan?’
Photo courtesy: MB

Tuwing Mayo, makulay ang mga kalsada sa iba’t ibang parte ng bansa dahil sa samu’t saring pagdiriwang. 

Mula sa Mother’s Day upang kilalanin ang pagpapagal at pagmamahal ng mga ina; ang Pahiyas Festival sa Lucban, Quezon, upang ipagdiwang si San Isidro Labrador, na patron ng mga magsasaka; at ang Pista ng Obando sa Obando, Bulacan, upang ipagdiwang ang mga santong sina San Pascual, Santa Clara, at Nuestra Señora de Salambao. 

Bukod sa mga selebrasyong ito, ilan pa sa mga malalaking pagdiriwang sa buwan ng Mayo ay ang Flores de Mayo at Santacruzan, na bagama’t parehang Katolikang pagdiriwang, ay hindi alam ng marami ang pagkakaiba. 

Dahil dito, ano nga ba ang pagkakaiba ng Flores de Mayo at Santacruzan? 

Batay sa iba’t ibang lathala, ang Flores de Mayo o Flowers of May sa Ingles, ay ang kultural na pagdiriwang sa buong buwan ng Mayo, kung saan, ang mga deboto ay nagtutungo sa kanilang lokal na parokya upang mag-alay ng sariwang bulaklak sa altar ni Maria. 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Ang pag-aalay na ito ay sinasamahan ng pagdarasal ng rosario, pag-awit, at pakikiisa sa mga novena. 

Sa kabilang banda, ang Santacruzan ay ang itinuturing na “culmination” o grand finale ng selebrasyong Flores de Mayo. 

Isinasagawa ito sa pamamagitan ng prosesyong nagpapatungkol sa paghahanap at pagkakatagpo ni Reyna Elena sa Banal na Krus. 

Batay pa sa mga lathala, si Reyna Elena, na ina ni Emperor Constantine, ay nagtungo sa Herusalem upang hanapin ang krus na pinagpakuan kay Hesus. 

Ang naging patunay sa katotohanan ng krus bilang pinagpakuan kay Hesus ay ang mahimalang paggaling ng isang babaeng nasa bingit na ng kamatayan matapos niya itong hawakan. 

Sa paglipas ng panahon, nagsilbi na rin itong nakagawiang pageant sa mga komunidad, kung saan, makikita ang parada o sagala ng magagarbong Filipiniana at arco na may mga palamuting bulaklak, na interpretasyon sa iba’t ibang karakter at kanilang kuwento.