Habang patuloy ang panawagan para sa pantay na karapatan ng LGBTQIA+ community sa Pilipinas, ilang kilalang personalidad mula sa politika, relihiyon, at entertainment industry ang naging sentro rin ng kontrobersiya dahil sa kanilang mga pahayag laban sa LGBTQIA+ individuals, same-sex unions, at SOGIE Equality Bill.
Kabilang dito ang ilang senador na naghayag ng pagtutol sa ilang probisyon ng SOGIE Bill, mga pastor na nagsabing laban umano sa relihiyon ang homosexuality, at celebrities na umani ng backlash dahil sa kanilang mga naging biro o pahayag.
Manny Pacquiao
Isa sa pinakanaging kontrobersyal na anti-LGBTQIA+ remarks sa Pilipinas ay nagmula kay boxing icon at dating senador Manny Pacquiao noong 2016.
Sa isang TV interview tungkol sa same-sex marriage, sinabi niya, “Do you see animals mating with the same sex?” At ang mas umugong na bahagi ng kaniyang pahayag, “People are worse than animals.”
Dahil dito, umani siya ng matinding backlash hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa international media. Tinanggal din siya bilang endorser ng Nike matapos ang kontrobersiya.
Alvin Aragon
Nag-viral din online si pastor Alvin Aragon dahil sa kaniyang mga pahayag laban sa LGBTQIA+ community.
Sa ilang sermons at online clips, sinabi niya, “Hindi normal ang same-sex relationship.” May mga pagkakataon ding inilarawan niya ang homosexuality bilang “kasalanan” at kinuwestiyon ang mga magulang na sumusuporta sa kanilang LGBTQIA+ children.
Joel Villanueva
Isa sa mga personalidad na madalas maiugnay sa usapin ng LGBTQIA+ rights ay si Joel Villanueva, na ilang ulit nagpahayag ng pagtutol sa same-sex marriage at ilang bahagi ng SOGIE Equality Bill.
Noong 2022, sinabi ni Villanueva, “Marriage is between a man and a woman.”
Ayon sa senador, nananatili siyang naninindigan sa kaniyang Christian beliefs pagdating sa usapin ng same-sex unions.
Sa mga pagdinig sa Senado, nagpahayag din siya ng pangamba hinggil sa ilang probisyon ng SOGIE Bill, partikular sa usapin ng religious freedom.
Tito Sotto III
Isa sa pinakamainit na usapin noong 2019 ay ang naging pagtutol ni dating Senate President Tito Sotto sa ilang probisyon ng SOGIE Equality Bill.
Sa Senate hearing, iginiit niya, “There are only two sexes. Male and female.” Bukod dito, naging viral ang kaniyang linyang, “Homo sapiens tayo lahat.” Naging usap-usapan din ang kaniyang pahayag ukol sa paggamit ng comfort room, “What if a man says, ‘I feel like a woman today’? Does that mean he can enter the women’s comfort room?”
Rodrigo Duterte
Ilang beses ding nakatanggap ng batikos si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga pahayag na iniuugnay sa homophobia.
Kabilang dito ang pagtawag niya sa noo’y US Ambassador na, “gay son of a whore.” At ang kontrobersyal niyang pahayag na, “I cured myself of being gay.”
Hindi lamang mga politiko ang nasangkot sa usaping ito. Ilang religious leaders, influencers, at social media personalities din ang naging laman ng kontrobersiya matapos maglabas ng anti-LGBTQIA+ remarks online.
Sa kabila nito, patuloy pa ring lumalakas ang panawagan para sa pagpasa ng SOGIE Equality Bill at iba pang batas na magbibigay proteksyon laban sa discrimination, harassment, at hate speech sa bansa.