May 17, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Paano masusugpo ang HIV stigma, discrimination?

ALAMIN: Paano masusugpo ang HIV stigma, discrimination?

Itinakda ang ikatlong Linggo ng Mayo bilang paggunita sa International AIDS Candlelight Memorial. Naisalehitimo ang nasabing komemorasyon noong 1983 sa pangunguna ng koalisyon ng mga komunidad mula sa iba’t ibang bansa. 

Isa itong paraan hindi lang upang alalahanin ang mga buhay na nawala dahil sa Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS)-related illnesses kundi para paigtingin din ang laban sa diskriminasyon at stigma para sa mga taong mayroon nito na patuloy na nagpupunyagi.

Ngunit paano nga ba tuluyang masusugpo ang diskriminasyon at stigma sa mga taong Poz (slang term na ginagamit upang tukuyin ang mga taong positibo sa Human Immunodeficiency Virus (HIV)) para kahit papaano ay mapagaan ang mabigat na labang hinaharap nila?

Nangyayari ang HIV stigma kapag nagkakaroon ng paniniwala na ang isang tiyak na grupo lang ang maaaring makakuha ng HIV. 

Isa pang halimbawa ng HIV stigma ay kapag nakakaramdam ang isang tao na nararapat lang magkaroon ng HIV ang kapuwa niya dahil sa mga desisyon nito. 

Mga Pagdiriwang

Ilang personalidad na tinuligsa dahil sa mga pahayag laban sa LGBTQIA+ community

Maiuugat umano ang ganitong pagtanaw sa mga may HIV noong unang bahagi ng 1980. 

Samantala, maituturing namang diskriminasyon kung inaabandona o iniiwasang makasalimuha ang mga POZ dahil sa kondisyon ng kalusugan nila.

Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), nakakaapekto umano sa mental health at emotional well-being ng isang taong may HIV ang stigma at diskriminasyon. Puwede silang makabuo ng negatibong imahe ng kanilang sarili dahil dito.

Kaya naman, para maiwasang lumala pa ang stigma at diskriminasyon laban sa mga POZ, aralin ang mga batayang kaalaman tungkol sa HIV.  

Gaya halimbawa ng pagpapabatid na hindi nakakahawa ang simpleng pagyakap at pakikipag-kamay sa mga POZ.  Na ang HIV ay hindi nakakairal sa labas ng katawan ng isang tao. Sa ganitong paraan, mababawasan ang mga maling pag-unawa sa kalikasan ng sakit na ito. 

Makakatulong din na inormalisa ang HIV bilang paksa sa mga huntahan at gawing bahagi ng araw-araw na kuwentuhan. 

Ngunit tiyakin lang na maging maingat sa mga salitang gagamitin upang maiwasang makapanakit ng damdamin ng POZ.