Tila buo ang kumpiyansa ni “Lolong: Bayani ng Bayan” lead star Ruru Madrid na hindi na matitibag pa ang relasyon nila ng jowa niya at kapuwa Kapuso artist na si Bianca Umali.
Sa ulat ng GMA Balitambayan noong Martes, Enero 14, sinabi raw ni Ruru na hindi raw siya naniniwala sa teoryang “7-year itch” sa relasyon ng dalawang taong nagmamahalan.
Ang 7-year itch ay isang sikat na paniniwala na ang relasyon o marriage daw na umaabot sa pitong taon ay nawawalan ng saya o romansa.
“Personally, hindi ako naniniwala, kasi nakasulat na ‘yan eh,” saad ni Ruru. “Kung para kayo sa isa’t-isa, kayo talaga,” saad ni Ruru.
Dagdag pa ng aktor, “Kahit sino pa ang pumigil, kahit ano pang klaseng tukso, pagsubok, basta nagtutulungan kaming dalawa, lahat kakayanin.”
Matatandaang ngayong taon nakatakdang sumapit ang ikapitong anibersaryo ng kanilang relasyon bilang magjowa.
Kinumpirma ni Ruru ang real-score nila ni Bianca noong Agosto 2022 sa isang episode ng Kapuso Mo Jessica Soho.”