Sumagot na ang ABS-CBN sa balitang naghain ng isang house bill si Albay Representative Joey Salceda para muli silang mabigyan ng bagong prangkisa.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Kapamilya Network na naka-post sa ABS-CBN News, hindi raw sila aware sa nabanggit na bill, subalit nagpapasalamat daw sila sa mambabatas.
"While we were not aware of Rep. Joey Salceda's filing of a bill to grant a broadcast franchise to ABS-CBN today, we are deeply grateful for his support and belief in ABS-CBN's contributions and mission to serve the Filipino public," anila.
Pinasalamatan din nila ang lima pang mga mambabatas na naghain ng katulad na bill sa Kamara, na nauna kay Salceda. Ito ay sina Rep. Gabriel Bordado Jr., Arlene Brosas, France Castro, Raoul Manuel, Johnny Pimentel, at Rufus Rodriguez.
Martes, Enero 7, nang ihain ni salceda ang House Bill No. 11252 na may pamagat na "An Act Granting The ABS-CBN Corporation (Formerly ABS-CBN Broadcasting Corporation) A Franchise To Construct, Install, Operate, and Maintain Television and Radio Broadcasting Stations In The Philippines, And Other Purposes."
Mababasa rito na pinatotohanan daw ng Securities and Exchange Commissions (SEC) at Bureau of Internal Revenues (BIR) sa naganap na house deliberations na wala silang nilabag na ownership restrictions at walang pananagutan sa hindi pagbabayad ng buwis.
Ang pagkawala ng prangkisa noong 2020 ay sumabay rin daw sa pagkawala ng trabaho ng halos 11,000 empleyado, na kasagsagan pa sa pandemya ng Covid-19.
Isa pang bagay, ang malawak na reach ng estasyon lalo na sa regional networks ay napagkukunan daw ng mga balita at updates lalo na sa tuwing may kalamidad na nakatutulong sa disaster risk strategies ng lokal na pamahalaan.
"Given the merits of renewing the franchise, as well as the clarifications made by government agencies over certain allegations against the grantee, this representation urges Congress to reconsider the non-renewal of the franchise by the previous Congress," mababasa pa.
Samantala, sa mga nagdaang panayam kay ABS-CBN President Carlo Katigbak, nasabi niyang hindi sa pagkuha ng bagong prangkisa ang tinatahak ngayon ng giant broadcast network kundi ang pagiging isang content provider.
Ilang shows ng Kapamilya Network ang umeere ngayon sa iba't ibang free TV channels gaya ng A2Z Channel 11, TV5, ALLTV, at GMA Network.
Sila rin ay napapanood sa online at digital platforms gaya ng Kapamilya Online Live sa YouTube, at cable channels gaya ng Kapamilya Channel.
Sa kasalukuyan, ang Channel 2 frequency na nakatalaga noon sa ABS-CBN ay nasa ALLTV.
MAKI-BALITA: Albay Rep. Salceda, naghain ng bill para maibalik ABS-CBN franchise