Matapos isiwalat ang insidente ng umano’y pagpapaputok ng baril ng isang pulis sa harap ng kaniyang sasakyan habang nasa Taguig City nitong Miyerkules ng gabi, Disyembre 11, iginiit ni ACT Teachers Rep. France Castro ang banta sa kaniyang seguridad dahil daw sa pagiging hayagang kritiko niya sa pamilya Duterte.
Sinabi ito ni Castro sa kaniyang manipestasyon sa pagdinig ng House Quad Committee hinggil sa umano’y extrajudicial killings (EJK) ng war on drugs sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ani Castro, pauwi na sila mula sa isang event sa BGC, Taguig dakong 11:00 ng gabi nitong Miyerkules nang masaksihan niya ang pagpaputok ng baril ng isang pulis na humahabol daw sa indibidwal na naka-motor bike.
“Meron pong police car sa harap namin at merong dumaan na naka-motor bike sa harap namin hanggang sa lumabas po yung dalawang pulis at hinabol po yung naka-motor bike na dumaan sa harap namin hanggang pumunta sa likod. Nagulat po ako, Mr. Chair, na pinaputukan ng isang pulis yung naka-motorbike,” pagsasalaysay ni Castro.
“Talagang natakot po ako at hinila na lang po ako ng aking mga kasamahan at pinadapa. Natakot po ako dahil bakit po nagkakaroon ng ganitong insidente na sa gitna ng traffic ay nagpapaputok ang pulis. Tingin ko po ay hindi tama ito,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Castro na dahil sa insidente ay naalala niya ang nangyari sa Talaingod, Davao del Norte anim na taon na ang nakalilipas kung saan pinaputukan daw ang kaniyang sasakyan ng dalawang riding-in-tandem.
Kaugnay nito, hiniling ng teacher solon sa istasyon ng pulis sa BGC na nakasasakop sa lugar na magpasa ng police report upang maging malinaw raw kung lehitimo ang nangyaring operasyon.
“Kung hindi po magkakaroon ng police report kung ano naman po ang insidente na ito, tine-take ko po ito na personal threat sa aking seguridad. Dahil alam n’yo naman po, Mr. Chair, ‘di ba minsan na rin akong pinagbantaan ng dating Presidente Duterte. At sa araw-araw na pagsasalita din ng Vice President Sara Duterte, ako ay sini-single out,” ani Castro.
“Tinitingnan ko rin ito na may kinalaman sa akin trabaho dahil alam n’yo naman po ako ay very vocal doon sa pagsasalita sa mga committee: sa quad comm, sa good government,” saad pa niya.
Habang isinusulat ito’y wala pa namang pahayag ang hanay ng pulisya hinggil sa pahayag ni Castro.