Patuloy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Calabarzon sa beripikasyon ng mahigit 27,000 pamilya na posibleng maging bagong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon sa DSWD Field Office IV-A, natukoy ang mga pamilyang ito sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), na nagsisilbing batayan ng pamahalaan sa pagtukoy sa mga mahihirap na sambahayan.
Bilang bahagi ng proseso, nagsasagawa ng house-to-house assessment ang mga social worker upang alamin ang kasalukuyang kalagayan ng bawat pamilya, kabilang ang kanilang kabuhayan, antas ng kahirapan, at iba pang sitwasyong maaaring maging batayan ng kanilang kwalipikasyon sa programa.
Kabilang sa mga dumaraan sa beripikasyon ang ilang katutubong Dumagat-Remontado sa General Nakar, Quezon, na umaasang mapabilang sa mga tatanggap ng ayuda upang makatulong sa edukasyon at iba pang pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya.
Nauna nang nakapagtala ang DSWD sa Calabarzon ng 2,917 bagong benepisyaryo ng 4Ps sa rehiyon ngayong taon.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11310, ang 4Ps ang pangunahing programa ng pamahalaan laban sa kahirapan na nagbibigay ng conditional cash grants sa mga kwalipikadong mahihirap na pamilya upang masuportahan ang edukasyon, kalusugan, at nutrisyon ng kanilang mga anak.
Maaaring makatanggap ng tulong ang mga benepisyaryo nang hanggang pitong taon, basta't patuloy nilang natutugunan ang mga itinakdang kondisyon ng programa.
Bago tuluyang maisama sa listahan ng mga benepisyaryo, kinakailangan ding nakarehistro ang mga kwalipikadong pamilya sa Philippine Identification System (PhilSys) upang mapabilis ang proseso ng pamamahagi ng ayuda.
Pinalitan ng CBMS ang dating Listahanan database ng DSWD noong 2024 at ito na ngayon ang opisyal na batayan ng pamahalaan sa pagtukoy ng mga pamilyang maaaring isama sa iba't ibang social protection programs.
Ayon sa DSWD, magsisimulang makatanggap ng conditional cash grants ang mga bagong benepisyaryo kapag nakumpleto na ang proseso ng pagpapatala at natugunan ang lahat ng kinakailangang kondisyon ng programa.