Humiling si dating House Speaker at Leyte 1st district Rep. Martin Romualdez, sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado, ng agarang pagtatama at imbestigasyon sa umano'y maling pahayag na inilabas ng Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng isyu ng kaniyang sinasabing planong pag-alis ng bansa.
Sa liham na may petsang Hulyo 24 na ipinadala kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, iginiit ng kampo ni Romualdez na walang batayan ang mga ulat na nagsasabing tinangka niyang umalis ng Pilipinas upang takasan ang mga kasong kinahaharap.
Ayon sa liham, tumututol ang mambabatas sa umano'y pagpapakalat ng BI ng hindi beripikado at mapanirang impormasyon na kalaunan ay ginamit din bilang batayan sa mga pampublikong pahayag kaugnay ng isinampang kaso laban sa kaniya.
“These reports are patently false, misleading, and gravely prejudicial to Rep. Romualdez and the proceedings pending before the Sandiganbayan in People v. Romualdez, Case No. E-SB-26-PHDO-0002.”
“The restrictions on Rep. Romualdez’s right to travel are presently sub judice and, as such, are not proper subjects of public comment, discussion, or speculation, much less the dissemination of unverified, false, or fabricated information,” dagdag pa ng kampo ni Romualdez.
Iginiit din ng kampo ng Speaker na ang mga pahayag na inilabas ng BI ay nagdulot ng maling pananaw na sinusubukan niyang takasan ang proseso ng batas.
“By their plain import, the confirmation attributed to the Bureau create the unmistakable public impression that Rep. Romualdez attempted to flee the country to evade the jurisdiction of Sandiganbayan and the pending criminal investigation against him. This is a grave accusation with no basis in fact, and it directly undermines Rep. Romualdez’s constitutional right to be presumed innocent until proven guilty,” anila pa.
Sinabi rin sa liham na ang naturang mga pahayag ay nakasira sa reputasyon ng mambabatas at maaaring makaapekto sa patas na pagdinig ng kanyang kaso.
“The Bureau’s statement has caused—and continues to cause—serious and irreparable injury to Rep. Romualdez’s reputation, standing, and ability to receive a fair and impartial adjudication of his case,” saad ng kampo ni Romualdez.
Binigyang-diin pa ng kampo ni Romualdez na hindi umano siya kailanman nagtangkang iwasan ang anumang kautusan ng hukuman o ilagay ang sarili sa labas ng saklaw ng mga awtoridad.
“At no time has Rep. Romualdez taken any action to evade any lawful court order or judicial process, or to place himself beyond the reach of Philippine authorities. He has consistently respected the institutions of government and has subjected himself to legal process where he is called to answer.”
Sa huli, hiniling ng kampo ni Romualdez sa nasabing ahensya na magsagawa ng imbestigasyon sa pinagmulan ng impormasyon at magsagawa ng agarang pagwawasto sa mga inilabas na pahayag na umano'y walang sapat na batayan.