Nagsumite na ang aktor na si Archie Alemania ng kaniyang counter-affidavit laban sa kasong act of lasciviousness na isinampa laban sa kaniya ng Kapuso actress-singer na si Rita Daniela.
Sa ulat ng "24 Oras" ng GMA Network, Martes, Disyembre 10, sa pamamagitan ng sinumpaang salaysay ay pinabulaanan ni Alemania ang mga reklamo laban sa kaniya ni Rita, na naghain sa kaniya ng kaso noong Oktubre 30, sa Office of the City Prosecutor sa Bacoor City, Cavite.
MAKI-BALITA: Rita Daniela, sinampahan ng kasong ‘acts of lasciviousness’ si Archie Alemania
Batay naman sa iba pang ulat gaya ng Philippine Entertainment Portal o PEP, naganap ang umano'y mga akto ni Archie kay Rita sa thanksgiving party pa lang ng co-star nilang si Bea Alonzo sa bahay nito noong Setyembre, hanggang sa ihatid daw siya ni Archie sa bahay niya sa Cavite.
Ayon naman sa "Cristy Ferminute" ni Cristy Fermin ay itinanggi ni Archie ang mga paratang laban sa kaniya ni Rita at maghahain daw siya ng counter-affidavit laban dito.
MAKI-BALITA: Misis ni Archie Alemania, may cryptic post tungkol sa 'truth'
MAKI-BALITA: Archie hindi raw hinipuan si Rita, ikinakasa na ang resbak
At ngayong Disyembre nga, nagsadya si Archie sa Bacoor Justice Hall kasama ang legal counsel para maghain ng sinumpaang counter-affidavit, para kontrahin ang mga akusasyon laban sa kaniya ni Rita. Bahagi ito ng legal na proseso sa pagsasagawa ng preliminary investigation ng piskalya, bago gumulong ang kaso sa korte.
Tumanggi namang magpaunlak ng panayam ang kampo ni Archie kaugnay nito.
Sa Disyembre 17 naman magpapasa ng sagot ang kampo ni Rita sa counter-affidavit ng kampo ni Archie.