Hayagang pinuri ni Unkabogable Star Vice Ganda ang kontrobersiyal na co-stars na sina Maris Racal at Anthony Jennings sa grand media day ng kanilang pelikulang "And The Breadwinner Is..." noong Huwebes, Disyembre 5.
Kapansin-pansing wala sa nabanggit na presscon sina Maris at Anthony, na nauna nang tinanggal sa official poster ng event noong Miyerkules ng gabi, Disyembre 4.
MAKI-BALITA: MaThon, inelbow sa grand media day ng pelikula ni Vice Ganda?
Hinala ng mga netizen, sinadyang huwag munang papuntahin sa mediacon ang magkatambal para makaiwas sa mga tanong ng showbiz news reporters na mang-uurirat sa kanila patungkol sa kontrobersiyal na screenshots/resibo ni Jam Villanueva, ang ex-girlfriend ni Anthony Jennings.
Ngunit hindi pa rin nakaligtas sa tanong si Vice patungkol sa MaThon, matapos matanong ang tungkol sa pagbibigay niya ng highlight sa rising love teams sa kaniyang mga nagdaang pelikula.
"I’ve noticed that your past MMFF Films have been a platform for the hottest and most promising loveteams. Can you share ano ‘yong nakita mong strength and unique charm ng MaThon or SnoRene?'" tanong ni ABS-CBN showbiz news reporter MJ Felipe, na batay naman sa binasa niyang tanong mula sa miyembro ng media.
Ayon naman kay Vice Ganda, bagama't hindi niya binanggit ang tungkol sa kontrobersiyang kinahaharap ng MaThon, sinabi niyang hindi raw dapat tanggalin ang katotohanang talentado si Maris at iba rin ang karisma ni Anthony kapag napapanood na siya on-screen.
"Charming naman talaga sila, nag-work sila... nag-work ‘yong kanilang partnership do'n sa mga una nilang mga seryes. Saka magaling talaga, Maris is very talented, ‘di ba? Hindi natin puwedeng i-discount ‘yon, o i-disregard. Talented talaga si Maris," sagot ni Vice.
"Si Anthony Jennings din naman, hindi natin puwedeng i-deny na mayroon din siyang kakaibang brilyo ‘pag pinapanood n'yo sa ano... sa screen. Kaya no’ng sinabi ng management at ng Star [Cinema] na, 'Isama natin ‘tong ano…' sabi ko, 'Let’s go.' Sabi ko, 'Isama natin sila.' Go ako agad," aniya pa.