Usap-usapan sa iba't ibang social media pages ang isang advertisement ng gamot sa ubo, bida ang beteranang aktres na si Susan Africa.
Aliw na aliw ang mga netizen matapos niyang tawagin ang sarili bilang "Star For All Ubo."
Sa nabanggit na patalastas, ipinakita ni Susan ang kaniyang "acting prowess" sa kung paano ineexecute sa iba-ibang eksena at role ang pag-ubo.
Kaya naman, sang-ayon ang mga netizen na siya na nga ang "Star For All Ubo" dahil lagi na ngang associated si Susan sa mga role na laging inuubo o may sakit, mapa-teleserye man o pelikula.
"DASURV NA DASURV NI SUSAN AFRICA ANG ATENSYON! Siya talaga yung isa sa mga OG mother role nating mga millennials!" saad pa nga ng isang social media page na nag-share nito.
Pero sa pelikulang ipo-produce ni Ogie Diaz, naiibang Susan Africa daw ang mapapanood ng mga tao, na marahil ay malayong-malayo sa mga ginagampanan niya.