Tila hindi raw muna matutuloy ang nagbabadyang pagbabalik-telebisyon ni Queen of All Media Kris Aquino dahil sa kondisyon pa rin daw ng kaniyang kalusugan.
Sa December 3 episode ng "Cristy Ferminute," napag-usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika ang nauna nang pahayag ni Krissy na magkakaroon siya ng isang proyekto bago matapos ang 2024.
Pinasalamatan pa ni Kris ang kaibigang si Darla Sauler dahil daw sa pagtulong sa kaniya para sa comeback na ito, at dito na nga nagkaroon ng espekulasyong baka sa Kapamilya Network mapapanood ang show, na naging home network din naman ni Kris sa mahabang panahon.
Pero sabi nga ni Cristy, sa tingin daw niya, kailangan niya munang magpagaling nang husto lalo't tuloy-tuloy pa rin ang kaniyang gamutan sa mga iniindang autoimmune disease at iba pa.
Napansin daw nilang nanahimik si Kris at tila walang paramdam sa social media. Sey tuloy ni Romel, mukhang na-pressure daw si Tetay sa sariling desisyon niyang magbalik-telebisyon.
Para naman kay Cristy, higit sa anuman, kailangan daw pakatutukan talaga ang usaping pangkalusugan dahil "no health, no wealth" at "no wealth, no health."
"'Pag magaling na magaling na siya, anytime nandiyan lang ang TV. Ang dali-daling bumalik, tutal naman may puhunan naman siya dahil napakagaling niyang TV host. Talagang tututukan siya at ang tagal niyang hindi nakasama ng ating mga manonood."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Kris patungkol dito.
KAUGNAY NA BALITA: Kris may nilulutong bagong show, magbabalik-TV na?