December 27, 2024

Home BALITA National

Kahit nagpapagaling: Doc Willie Ong, pinapanalanging maging maayos na sina PBBM at VP Sara

Kahit nagpapagaling: Doc Willie Ong, pinapanalanging maging maayos na sina PBBM at VP Sara
PHOTO COURTESY: Doc Willie Ong/FB, file photo

Kahit patuloy na nagpapagaling mula sa kaniyang sakit, araw-araw daw ipinagdarasal ni Doc Willie Ong na sana raw ay maging maayos na sina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte. 

Sa panibagong health update nitong Lunes, Nobyembre 25, ibinahagi ng senatorial aspirant na naging malala ang kaniyang kundisyon. Gayunman, sa milagro ng Diyos, patuloy raw na lumiliit ang kaniyang bukol at nauubos na ang active part ng kanser.

BALIKAN: Doc Willie Ong, na-diagnose na may cancer

"Una sa lahat, pasensya na at hindi ako nakapag-post ng 1 buwan. Ang katotohanan ay naging malala ang kondisyon ko (platelet 12,000, white blood cell of 0.5 and hemoglobin of 9.6). Mahabang kuwento ito. Sobrang hirap nito pero dahil sa tunay na milagro ng Diyos, mas okay na ako konti," saad ni Ong.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

"Bagamat hirap na hirap ang katawan ko, ANG BUKOL KO naman ay PATULOY NA LUMILIIT (3rd Pet scan results) at mauubos na yung Active part ng kanser," dagdag pa niya. 

Kuwento pa ni Ong, tunay na milagro raw ang nararanasan niya ngayon dahil ayon sa kaniyang doktor ay wala pa raw itong nakitang kaso na gumaling mula sa sarcoma cancer stage 4.

"Bakit ako nag post ngayon? Ito ay dahil nasabihan ako ng doktor ko, si Dr Ang Peng Tiam (Parkway Cancer Center SG) na wala pa raw sya nakikitang case tulad ko na GUMALING sa sarcoma stage 4. Isang TUNAY NA MILAGRO ang nangyayari daw sa akin. Ngayon lang sinabi ito ni Dr Ang. Pasensya na at mabagal pa ang aking utak. Basta tandaan ninyo na mahal na mahal na mahal ko kayo," anang cardiologist. 

Samantala, tila updated pa rin si Ong sa nangyayari ngayon sa bansa dahil aniya ipinagdarasal daw niya na sana maging maayos na sina Marcos at Duterte.

"Pagbigyan niyo na ako. Dinarasal ko araw-araw na sana maging maayos na sina President BBM at VP Sara. Masyado na stressed ang bayan. Alam kong NAPAKAHIRAP nito. Pero may simple akong solusyon. Magdasal ka lang ng taimtim sa Diyos. Maaayos din ang gusot na ito." 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’

KAUGNAY NA BALITA: Sagad na ang pasensya? VP Sara pinagmumura sina PBBM, FL Liza, Romualdez