Dinala sa ospital si Pastor Apollo Quiboloy dahil sa “irregular heartbeat” na maaaring ikonsiderang “life threatening,” ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Jean Fajardo nitong Lunes, Nobyembre 11.
Sa isang press briefing, sinabi ni Fajardo na noong Nobyembre 7 nang magsabi si Quiboloy na nakararanas ng “chest discomfort” dahilan kaya’t isinailalim daw siya sa medical examination.
“Lumabas po sa medical examination na kinonduct po ng health service ay meron po siyang irregular heartbeat that may be considered as life threatening,” ani Fajardo.
Dahil dito, dinala na raw ang pastor sa Philippine Heart Center noong Nobyembre 8.
Dagdag ni Fajardo, ngayon na sana ibabalik sa PNP custodial center si Quiboloy ngunit pinalawig ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) ang pamamalagi niya sa ospital hanggang sa Nobyembre 16 ng hapon, upang makumpleto umano ang medical examinations na kakailangan para sa kaniyang kondisyon.
Nasa ilalim ng kustodiya ng PNP si Quiboloy matapos siyang maaresto ng mga awtoridad noong Setyembre 8, 2024 pagkatapos ng mahigit dalawang linggong paghahanap sa kaniya sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Nahaharap ang pastor at mga kapwa niya akusado sa kasong “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” sa RTC, dahil sa umano’y pang-aabusong ginawa nila sa isang 17-anyos na babae noong 2011. Kinasuhan din sila sa Quezon City RTC para sa iba pa umanong kaso ng child abuse” sa ilalim ng “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga