“Naniniwala ka ba sa himala?”
Inilabas na ang official teaser ng 2024 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na “Isang Himala”, isang reimagined ng classic movie "Himala" na isinulat ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee.
Nitong Linggo ng gabi, Nobyembre 3, inilabas sa YouTube channel ng production company na CreaZion Studios ang 55 seconds na teaser ng pelikula kung saan makikita ang pasilip kay “Elsa” na ginanapan ni theater actress-singer Aicelle Santos.
Bilang reimagined ng kaniyang isinulat classic film, ang “Isang Himala” ay isinulat din mismo ni Lee. Nagsilbi namang direktor ng pelikula si award-winning filmmaker Pepe Diokno, na siyang nagdirek ng 2023 MMFF film na “GomBurZa.”
Samantala, bukod kay Santos na muling magbibigay-buhay kay Elsa, kasama rin sa cast ng pelikula ang 2018 at 2019 stage musical production “Himala: Isang Musikal” na sina Bituin Escalante bilang Aling Saling, David Ezra bilang Orly, Kakki Teodoro bilang Nimia, Neomi Gonzales bilang Chayong, at Vic Robinson bilang Pilo.
Unang mapapanood ang “Isang Himala” sa Disyembre 25, 2024 bilang official entry sa MMFF.
Matatandaang taong 1982 nang unang pumalo sa takilya ang isinulat ni Lee na “Himala” na dinirek naman ni National Artist for Film Ishmael Bernal at pinagbidahan ni National Artist for Film and Broadcast Arts Nora Aunor.
Tungkol ang pelikula sa isang babaeng nagngangalang Elsa na nakita umano ang Birheng Maria, at nagsimulang makapanggamot ng mga may-sakit at pinaniniwalang nakagagawa ng mga “himala.”