October 23, 2024

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Ogie, nag-react sa panggagaya raw ng GMA sa bago niyang game show

Ogie, nag-react sa panggagaya raw ng GMA sa bago niyang game show
Photo Courtesy: Screenshots from MJ Marfori and TictoClokc (YT,FB)

Nagsalita na si showbiz insider Ogie Diaz kaugnay sa isang segment ng countdown variety show na “TiktoClock” na ang titulo ay kapareho ng bago niyang game show sa TV5.

Sa latest episode ng “Showbiz Updates” nitong Sabado, Oktubre 19, sinabi ni Ogie na ang alam daw niya ay MediaQuest umano ang naunang nagpa-copyright ng pamagat na “QuizMosa.”

“Basta ang alam ko, ang MediaQuest ang siyang naunang magpa-copyright…ng ‘QuizMosa,’” saad ni Ogie.

Usisa naman ng co-host niyang si Mama Loi: “E, paano ‘yon, Nay? Dalawang ‘QuizMosa’ ang nag-eere?”

Tsika at Intriga

Heart Evangelista, nagsalita na sa 'hidwaan' nila ni Pia Wurtzbach

“Siguro pagandahan na lamang,” tugon ng showbiz insider.

“Pero puwede ‘yon na parehong title?” sundot muli ni Mama Loi.

“‘Yan ang ‘di ko alam talaga,” sagot ni Ogie. “Pero siyempre, kasi mga kaibigan naman natin ang mga host niyan e. Sina Mamang Pokwang, si Kuya Kim, ‘di ba? E, love ko naman ‘yang mga ‘yan.”

Kaya naman, ipinapaubaya na lang daw ni Ogie sa MediaQuest at TV5 kung paano reresolbahin ang nasabing isyu.

“Basta ang importante, naiiba po ang aming palabas,” aniya.

Matatandaang nauna nang magbigay ng reaksiyon ang batikang showbiz columnist na si Cristy Fermin tungkol sa dalawang game show na magkatulad ng title.

MAKI-BALITA: 'Quizmosa' ni Ogie Diaz, ginaya ng GMA Network?

Gayunman, tuloy na tuloy pa rin daw ang “QuizMosa” ni Ogie sa darating na Lunes, Oktubre 21.