November 05, 2024

Home BALITA National

Harry Roque, iboboto si Quiboloy bilang senador: ‘Kinikilala niya ang Panginoon’

Harry Roque, iboboto si Quiboloy bilang senador: ‘Kinikilala niya ang Panginoon’
MULA SA KALIWA: Harry Roque at Apollo Quiboloy (file photo)

Iginiit ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na kung maging opisyal na kandidato ay iboboto niya si Pastor Apollo Quiboloy bilang senador sa 2025 midterm elections dahil kinikilala umano nito ang Diyos.

“Iboboto ko po si Pastor Quiboloy, bakit? Kasi po, unang-una, kahit ano pa ang kaniyang teolohiya, eh importante po na kinikilala niya ang Panginoon, at kinikilala niya na kailangan tayong humingi ng tawad para sa ating mga kasalanan. At tayo po ay mabuhay sang-ayon sa mga nakalahad sa Bibliya,” ani Roque sa isang video message nitong Biyernes, Oktubre 11.

“Dahil po diyan naniniwala ako na susunod siya sa utos na bawal magnakaw at bawal pumatay,” dagdag niya.

Bukod dito, sinabi rin ni Roque na palagi umanong tumutulong ang Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at SMNI foundation ni Quiboloy sa mga Pilipinong nasasalanta ng mga sakuna.

National

Rep. Paolo Duterte, ‘negatibo’ sa hair follicle drug test

“Bagama’t hindi po ako miyembro ng Kingdom of Jesus Christ, nakita ko kung gaano gumalaw ang Kingdom dahil ako po ay naging bahagi ng SMNI, at naniniwala po ako na ‘yung mga nananampalataya sa Panginoon, bagama’t iba’t iba ang specific na theology, ‘yan po ay susunod sa utos na bawal magnakaw at bawal pumatay,” giit ni Roque.

“Kaya tangkilikin po natin bilang senador si Pastor Apollo Quiboloy,” saad pa niya.

Matatandaang noong Martes, Oktubre 8, nang maghain si Quiboloy ng kaniyang kandidatura sa pagkasenador sa pamamagitan ng kaniyang abogadong si Atty. Mark Tolentino.

Sinabi naman ng Commission on Elections (Comelec) na maaaring maghain ng COC si Quiboloy, ngunit dadaan pa umano sa proseso kung magiging opisyal itong kandidato sa gitna ng mga kinahaharap niyang kaso.

MAKI-BALITA: Apollo Quiboloy, naghain ng COC sa pagkasenador: ‘Dahil sa Diyos at Pilipinas’

Naaresto noong Setyembre 8, 2024, nahaharap si Quiboloy at mga kapwa niya akusado sa kasong “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” sa RTC, dahil sa umano’y pang-aabusong ginawa nila sa isang 17-anyos na babae noong 2011. Kinasuhan din sila sa Quezon City RTC para sa iba pa umanong kaso ng child abuse” sa ilalim ng “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.”

MAKI-BALITA: TIMELINE: Pastor Apollo Quiboloy saga

KAUGNAY NA BALITA: Hontiveros, inanunsyo na petsa ng pagdinig ng Senado hinggil kay Quiboloy