October 06, 2024

Home BALITA Eleksyon

Jimmy Bondoc, isang kaibigan, loyal kay ex-Pres. Duterte

Jimmy Bondoc, isang kaibigan, loyal kay ex-Pres. Duterte
Photo Courtesy: via MB, Rody Duterte (FB)

Nausisa ang katapatan ng singer at abogadong si Jimmy Bondoc kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nang maghain siya ng kandidatura sa pagkasenador ngayong Linggo, Oktubre 6, sa The Manila Hotel Tent City.

Sa panayam ng media kay Bondoc, sinabi niyang kaibigan umano niya si Duterte at layunin niyang patibayin ang “best of the best ng Duterte principle.”

“Siya po ay aking kaibigan at ang isa po sa aking talagang layunin ay patibayin ang best of the best ng Duterte principle,” saad ni Bondoc.

Maliban dito ay gagamitin din umano ni Bondoc ang kaniyang boses upang wakasan ang namamayaning korupisyon sa bansa.

Eleksyon

Erwin Tulfo sa political dynasty: 'Let people decide'

Kaya naman hiningan din siya ng reaksiyon kaugnay sa inihaing plunder complaint kay Duterte sa Department of Justice (DOJ).

“Well, that’s what the court are there for. So, tayo ay talagang susunod na lamang sa…principle na innocent until proven guilty,” aniya.

Dagdag pa ni Bondoc: “Ako po na bilang kaibigan niya ay siguradong-sigurado naman na lahat ng ginawa ng ating nakaraang pangulo ay the best interest of the people.”

Tatakbo si Bondoc sa ilalim ng Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban).