January 03, 2025

Home BALITA Metro

2 holdaper, nanlaban umano sa mga umaarestong pulis

2 holdaper, nanlaban umano sa mga umaarestong pulis
FILE PHOTO

Isang holdaper ang patay habang isa pa ang sugatan nang manlaban umano habang inaaresto ng mga pulis matapos nilang tangkaing agawan ng cellphone at alahas ang isang dayuhan sa Malate, Manila nitong Biyernes ng madaling araw.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila ang suspek na si alyas ‘John Paul,’ 25, ng Sta. Cruz, Manila, ngunit nasawi rin dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan habang sugatan naman ang kanyang kasamahan na si alyas ‘Christian,’ 22, ng Parada, Valenzuela City.

Lumilitaw sa ulat ng Manila Police District (MPD) – Malate Police Station 9 (PS-9), na naganap ang insidente sa Taft Avenue kanto ng Dagonoy St., sa Malate.

Kasalukuyan umanong nagpapatrolya ang mga tauhan ng MPD-PS 9 sa lugar nang lapitan sila ng isang dayuhan at inireklamo ang ginawang tangkang paghablot ng mga suspek, na magkaangkas sa isang motorsiklo, sa kanyang cellphone at mga alahas.

Metro

MPD, nag-deploy ng 250 pulis para sa First Friday Mass ng Quiapo Church

Inilarawan ng dayuhan ang mga suspek na nakasakay sa kulay itim na Honda click na motorsiklo, na kapwa nakasuot ng half face helmet, nakaitim na t-shirt, jogging pants, at ang isa ay nakasuot ng kulay puting sweatshirt at khaki na pantalon.

Nang tingnan ang CCTV ng Barangay 725 ay kaagad na namataan ang mga suspek sa Quirino Avenue, kanto ng Taft Avenue, kaya’t nagtungo doon ang mga pulis.

Gayunman, bago pa man umano nakalapit ang mga pulis upang sitahin at arestuhin ang mga ito, ay nakita na sila ng mga suspek kaya’t nagtangkang tumakas ang mga ito.

Nag-U-turn umano ang mga suspek at bumunot ng baril sanhi upang mauwi sa engkwentro ang insidente.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang .38 kalibre, gayundin ang iPhone 15 promax na pagma-may-ari umano ng isang law student, na una nang nagreklamo sa mga pulis na hinoldap siya ng mga suspek dakong alas-9:30 ng gabi ng Huwebes sa Dapitan St., malapit sa UST.