Inanunsyo ni Quezon City (QC) Mayor Joy Belmonte na nadagdagan na ang electric buses na nagseserbisyo ng libreng sakay sa lungsod.
Sa isang Facebook post na ibinahagi ni Mayor Belmonte nitong Lunes, Mayo 4, sa kabuuan ay mayroon nang 16 electric buses para sa programang libreng sakay ang QC.
“8 new electric buses para sa ating QCity Libreng Sakay Program!” panimula ni Mayor Belmonte.
Aniya, “Good news, QCitizens! Mayroon tayong panibagong mga electric bus na para sa Route 6: Quezon City Hall to Gilmore (via Tomas Morato) ng ating QCity Libreng Sakay.”
“In total, mayroon na tayong 16 electric buses sa ating Libreng Sakay Program: [8] sa Route 1 - QC Hall to Cubao, [8] sa Route 6 - QC Hall to Gilmore (magsisimula na itong bumiyahe by May 11). Gayundin, tayo ang may pinakamaraming electric buses sa ating bus fleet,” dagdag pa niya.
Isiniwalat din niya na maliban sa libreng sakay na handog nito, mayroon ding CCTV cameras ang bus, free Wi-Fi, at iba pang serbisyo.
“At hindi lang ‘yan…Free Wifi; 6 CCTV Cameras sa loob ng bus; PWD-Friendly (may ramp and area for wheelchair); Comfortable Seat; Adjusted Height for Handrails; at Fire Extinguishers,” anang mayor.
“Tara na’t sumakay sa ating QCity bus! By May 11, magsisimula nang bumiyahe ang mga karagdagang bus,” aniya.
“At, take note, MAY FOREVER ang pagbibigay natin ng libreng sakay ha?” saad pa niya.
Ibinahagi rin niya ang magiging ruta ng mga electric bus na may libreng sakay para sa mga komyuter, na mababasa naman sa website ng Quezon City government.
“QC Hall to Cubao; QC Hall to Litex / IBP Road; Welcome Rotonda to Aurora Katipunan; QC Hall to General Luis; QC Hall to Mindanao Ave. via Visayas Ave.; QC Hall to Gilmore; QC Hall to C5 / Ortigas Ave. Ext.; at QC Hall to Muñoz,” mababasa sa website.
Anito, araw-araw ang operasyon ng libreng sakay maliban tuwing holiday.