October 11, 2024

Home FEATURES

KILALANIN: World record holder na 'pinakamabilis' na nakabisita sa 7 Wonders of the World

KILALANIN: World record holder na 'pinakamabilis' na nakabisita sa 7 Wonders of the World
Photo courtesy: Magdy Eissa (IG) and Guinness World Records (website)

Updated na rin ba ang bucketlist mo? Kung hindi pa, kilalanin mo muna ang “world record holder” na kinumpletong bisitahin ang 7 Wonders of the World sa loob lang ng ilang araw. Malay mo, ma-inspire ka at ganahang mag-travel! 

Setyembre 27 ang idineklarang “World Tourism Day” ng United Nations (UN) magmula pa noong 1980. Layunin umano nitong makalikha ng maraming trabaho sa mga lokal na komunidad at magkaroon ng ugnayan ang mga bansa. 

Ngayong taon, inilabas ng UN opisyal na tema na “Tourism and Peace.” Sa isang pahayag ni UN Secretary-General António Guterres sa opisyal na website ng UN Tourism ngayong Biyernes, Setyembre 27, 2024, sinabi niyang sa pamamagitan umano ng turismo nagkakaisa ang mga tao. 

“Tourism brings people together. On this World Tourism Day, we reflect on the profound connection between tourism and peace.Sustainable tourism can transform communities, creating jobs, fostering inclusion and strengthening local economies,” saad ni Guterres. 

Human-Interest

Mahanap kaya? Lalaking hinahanap nawalay na biological parents, usap-usapan

Samantala, ngayong taon din ng kinilala ng Guinness World of Records ang panibagong turistang bumisita sa 7 Wonders of the World sa loob lamang ng anim na araw, 11 oras at 52 minuto. 

Noong Hulyo 2024 nang kilalanin ng Guinness ang tagumpay ni Magdy Eissa, 45, na mas mabilis ng apat na oras at 30 minuto kumpara sa record ni Jamie McDonald na anim na araw, 16 oras at 14 minuto.

Sa ulat ng Guinness, sinimulan ni Eissa ang kaniyang bucketlist  sa Great Wall of China, na sinundan naman ng Taj Mahal sa India, dumiretso rin siya sa ancient city of Petra sa Jordan, Rome Colosseum sa Italy, Christ the Redeemer sa Brazil, Machu Picchu sa Peru at nagtapos sa ancient Mayan City ng Mexico.

Sa pagkasa sa naturang challenge, kinakailangang tanging pampublikong transportasyon lang umano ang gagamitin upang puntahan ang mga destinasyon. Masinsinan daw ang kaniyang naging pagpaplano upang matiyak ang kaayusan ng kaniyang schedule.

“I had to navigate a complex web of flights, trains, buses, subways and walking between transportation hubs and the Wonders. A single disruption could derail the entire itinerary and result in a flight back home,” saad ni Eissa sa panayam sa Guinness. 

Kuwento pa ni Eissa, ang Machu Picchu umano ang pinakamahirap niyang napuntahan dahil sa kahirapan umano ng public transportation at mahabang lakarin patungo rito. 

Tila “healing the inner child” din ang feeling ni Eissa nang makarating siya sa pitong destinasyon mula sa magkakaibang panig ng mundo.

“Beyond the personal satisfaction, this challenge also allowed me to momentarily let go of the daily stresses and pressures of normal life,” saad niya.

Kaya naman hinikayat din niya ang marami na na subukang mag-travel dahil sa kakaiba umanong experience na maibibigay nito.

“Everyone should experience and invest in travel, an enriching experience that everyone should have at some point in their lives. It opens minds, broadens perspectives, and allows people to discover new cultures, ideas, and ways of life.”

Ikaw, saan ang dream destination mo?

-Kate Garcia