July 27, 2026

Home BALITA National

Gadon sa SWS, Pulse Asia: 'Kung ako masusunod, pagpapapatayin ko 'yang mga 'yan!'

Gadon sa SWS, Pulse Asia: 'Kung ako masusunod, pagpapapatayin ko 'yang mga 'yan!'
Photo courtesy: Larry Gadon (FB)

Bumanat si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon laban sa mga independent research group sa Pilipinas na Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia Research Inc., kaugnay sa mga lumabas na mataas na trust at performance rating ni Vice President Sara Duterte. 

Matatandaang inihayag sa publiko ng SWS noong Hulyo 16, 2026, na aabot sa 58% ng kanilang mga naging respondents ang nagsabing kuntento sila sa trabaho ng bise presidente, habang 26% naman ang nagpahayag ng hindi pagkakuntento. Dahil dito, nakakuha si VP Sara ng net satisfaction rating na +31. 

KAUGNAY NA BALITA: Tumaas ng +2! 58% ng mga Pilipino, kuntento pa rin kay VP Sara—SWS

Habang lumabas naman sa resulta ng survey ng Pulse Asia nitong Hulyo 20 na nakakuha si VP Sara ng 56% na approval rating sa kaniyang performance bilang Pangalawang Pangulo, habang 29% lang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, ‘mas aprub’ pa rin para sa mga Pinoy kumpara kay PBBM—Pulse Asia

National

De Lima sa SONA: ‘Hindi na puro plano at retorika ang dapat laman!’

Sa naging pahayag naman ni Gadon sa panayam sa kaniya ng media nitong Lunes, Hulyo 27, sinabi niyang kalokohan lang daw ang survey results at bayaran ang Pulse Asia at SWS. 

“‘Yong trust rating na ‘yan, kalokohan ‘yan. Dahil ‘yan Pulse Asia at saka ‘yan SWS, mga bayaran lang ‘yan,” pagsisimula niya. 

Buwelta ni Gadon, tila hindi raw siya naniniwala sa lumalabas na resulta ng trust at performance rating ni VP Sara dahil lagi itong nasa labas ng bansa. 

“Tapos sasabihin nila, mataas ang trust rating ni Sara, ‘yong performance rating, anong performance? Anong performance ay palagi ngang nasa abroad. Hindi mo nga makita sa mga lugar, e,” patutsada niya. 

Pagbibida pa niya, “Si Presidente, halos araw-araw merong inaugurate na tulay, inaugurate na mga water irrigation system, may mga school buildings, hospitals, kung ano-ano.” 

Dagdag pa niya, “Tapos sasabihin nila ‘yong trust rating ni Sara, wala nga siyang ginagawa, e. Performance rating? Puwede ba.” 

Pagpapatuloy ni Gadon, papatayin o sisirain umano niya ang sistemang nagpapaga sa SWS at Pulse Asia kung siya lang daw ang masusunod. 

“Bayaran lang Pulse Asia na ‘yan at saka ‘yong SWS na ‘yan. Kung ako ang masusunod, pagpapapatayin ko ‘yang mga ‘yan, e,” aniya. 

“‘Yong sistema, ha. Papatayin ko ‘yong sistema nila,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, kinulang sa talino—Gadon

KAUGNAY NA BALITA: 'Masyadong madrama 'yang babaeng 'yan!' Larry Gadon, pinagre-resign si VP Sara