Nanatiling positibo ang pananaw ng maraming Pilipino sa pagganap sa tungkulin ni Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa ikalawang quarter ng 2026.
Batay sa ulat ng Manila Bulletin, sa resulta ng survey na isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29, lumabas na 58% ng mga respondent ang nagsabing kuntento sila sa trabaho ng bise presidente, habang 26% naman ang nagpahayag ng hindi pagkakuntento. Dahil dito, nakakuha si VP Sara ng net satisfaction rating na +31, na ikinategorya ng SWS bilang "good" o maganda.
Mas mataas ito ng dalawang puntos kumpara sa kaniyang naitalang +29 net satisfaction rating noong Marso 2026.
Maki-Balita: Mga Pinoy, 'mas satisfied' kay VP Sara kaysa kay PBBM
Ayon sa SWS, ang bahagyang pagtaas ng rating ni Duterte ay pangunahing nagmula sa pagbuti ng kaniyang marka sa Balance Luzon, kalakip ng pagtaas din sa Mindanao, bagama't may kaunting pagbaba sa Metro Manila. Nanatili namang hindi nagbago ang kaniyang rating sa Visayas.
Patuloy na pinakamalakas ang suporta kay VP Sara sa Mindanao, kung saan nakapagtala siya ng napakataas na +84 net satisfaction rating.
Sumunod dito ang Visayas na may +36, habang nakakuha siya ng +10 sa Balance Luzon at +3 sa Metro Manila.
Kung ihahambing sa nakaraang survey, umakyat ng limang puntos ang kaniyang marka sa Balance Luzon at dalawang puntos naman sa Mindanao. Sa kabilang banda, bahagyang bumaba ang kaniyang rating sa Metro Manila.
Ipinakita rin ng survey na mas malakas pa rin ang suporta kay Duterte sa mga rural o kanayunang lugar.
Nananatili sa +36 ang kaniyang net satisfaction rating sa mga probinsya at rural communities. Samantala, tumaas naman ang kaniyang marka sa mga urban area mula +23 tungo sa +27.
Kapansin-pansin din ang pagtaas ng satisfaction rating ng bise presidente sa hanay ng kababaihan. Mula sa +28 noong Marso, umakyat ito sa +33 pagsapit ng Hunyo, dahilan upang lumipat ito mula sa "moderate" patungo sa "good" category. Sa hanay naman ng kalalakihan, nanatiling halos pareho ang kaniyang marka sa +29.
Sa usapin ng edad, nanatiling mataas ang suporta kay Duterte mula sa mga nakababatang respondent. Nakapagtala siya ng +41 sa mga edad 18 hanggang 24, +43 sa mga nasa 25 hanggang 34, at +44 sa mga nasa 35 hanggang 44 taong gulang.
Bagama't bumaba ang kaniyang marka sa mga edad 45 hanggang 54 mula +25 patungong +20, nanatili pa rin itong nasa moderate category.
Samantala, bahagyang bumuti ang kaniyang rating sa mga edad 55 pataas mula -4 tungong +4, na nangangahulugang nakalipat ito mula sa negatibo patungo sa neutral na antas.
Mas mataas din ang naging marka ni Duterte sa ilang sektor batay sa antas ng edukasyon. Sa mga college graduate, umakyat ang kaniyang net satisfaction rating mula -3 tungong +12. Nagkaroon din ng pagtaas sa mga respondent na may mababang antas ng edukasyon, kabilang ang mga nakapag-elementarya at may ilang taon sa senior high school. Gayunman, bumaba ang kaniyang marka sa mga junior high school graduate mula +36 patungong +29.
Gatchalian, unang beses na isinama sa survey bilang Senate President
Samantala, unang beses ding isinama sa survey si Senate President Sherwin Gatchalian matapos siyang maupo bilang lider ng Senado noong Hunyo.
Nakakuha siya ng +18 net satisfaction rating, matapos sabihin ng 45% ng mga respondent na kuntento sila sa kaniyang pagganap, habang 27% naman ang hindi.
Pinakamataas ang kaniyang marka sa Visayas na may +30, sinundan ng Balance Luzon (+21), Metro Manila (+15), at Mindanao (+5).
Dy at Gesmundo, nakapagtala rin ng positibong marka
Para naman kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, nakapagtala siya ng +8 net satisfaction rating, na ikinategoryang neutral. Ito ay mas mataas ng apat na puntos kumpara sa kaniyang marka noong nakaraang quarter.
Samantala, nakakuha si Chief Justice Alexander Gesmundo ng +10 net satisfaction rating, bahagyang mas mataas kaysa sa kaniyang naitalang +9 noong unang quarter ng taon.
PBBM, bumuti ang rating ngunit negatibo pa rin
Nauna nang inilabas ng SWS ang resulta para kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., kung saan lumabas na 38% ng mga Pilipino ang kuntento sa kaniyang trabaho habang 45% ang hindi.
Dahil dito, nakakuha siya ng -7 net satisfaction rating, na bagama't mas mataas kaysa sa kaniyang rekord na -15 noong nakaraang quarter, nananatili pa ring nasa negatibong teritoryo.
Maki-Balita: New record-low! Satisfaction rating ni PBBM, bumagsak at lumubog sa -15 noong Marso 2026—SWS
Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 Pilipinong edad 18 pataas sa iba't ibang bahagi ng bansa. May margin of error itong ±3% para sa pambansang resulta at ±6% para sa bawat pangunahing rehiyon ng survey.