Nakakuha ng kabuuang +29 (moderate) satisfaction rate si Vice President Sara Duterte batay sa naging survey ng Social Weather Survey (SWS) noong Marso 2026.
Isinagawa ng SWS ang kanilang survey mula noong Marso 24 hanggang Marso 31, 2026, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa kabuuang 1,500 na bilang ng mga indibidwal na may edad 18-anyos pataas mula sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Tinanong nila ang respondents para makalikom ng datos, ng: Maaari po bang pakisabi ninyo kung gaano kayo nasisiyahan o hindi nasisiyahan sa pagganap ng tungkulin ni [NAME] bilang [POSITION]. Kayo ba ay lubos na nasisiyahan, medyo nasisiyahan, hindi tiyak kung nasisiyahan o hindi, medyo hindi nasisiyahan, lubos na hindi nasisiyahan, o wala pa kayong narinig o nabasa kahit na kailan tungkol kay [NAME]?”
Anang SWS, nagmula ang kabuuang +29 na net satisfaction rate ni VP Sara sa pinagsama-samang resulta na kanilang nalikom mula sa mga nabanggit na lugar.
Anila, nakakuha ng pinakamataas na rating si VP Sara sa Mindanao kung saan nakapagtala siya ng net satisfaction rate na +82 kung maituturing itong “excellent.”
Sinundan ito ng +36 o maituturing na “good” sa Visayas, habang parehas namang nakapagtala si VP Sara ng +5 o “neutral” na rating sa Metro Manila at Balance Luzon.
Sa kabuuan, aabot sa kabuuang 54% na Pilipino sa mga nabanggit na lugar ang “satisfied” sa pamumuno ni VP Sara, habang 25% naman ang “dissatisfied,” at 21% ang “undecided.”
Kung babalikan ang net satisfaction rate ni VP Sara noong Nobyembre 2025, aabot naman sa kabuuang +28 ang nakuhang rating ng parehong nabanggit na lugar.
Samakatuwid, isa lamang at hindi nalalayo ang naturang net satisfaction rate ng Pangalawang Pangulo mula Nobyembre noong nakaraang taon hanggang nitong buwan ng Marso.
Photo courtesy: SWS
Photo courtesy: SWS
Sa kabila nito, matatandaan nauna nang naglabas ang SWS ng net satisfaction rate ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kung saan bumagsak sa -15 ang nakuha niya batay sa lumabas na resulta ng survey ng SWS noong Marso 2026.
Matatandaang nakapagtala si PBBM ng net satisfaction rate na -3 noong Nobyembre 2025 ngunit makikitang lubhang mas mababa ang naging resulta ng bagong survey ng SWS sa pagsisimula ng 2026.
Batay sa survey, 33% lamang ng adult Filipinos ang nagsabing satisfied sila sa performance ng pangulo, habang 49% ang dissatisfied at 18% naman ang undecided.
Ayon sa SWS, ito na ang "new personal record-low" o pinakamababang record ni Marcos matapos malagpasan ang dating lowest rating niyang -12 noong Marso 2025.
KAUGNAY NA BALITA: New record-low! Satisfaction rating ni PBBM, bumagsak at lumubog sa -15 noong Marso 2026—SWS
KAUGNAY NA BALITA: 35% na Pinoy, naniniwalang malusog si PBBM habang 30% ang hindi!—SWS