Umabot sa kabuuang 35% ng mga Pilipino ang naniniwalang nasa mabuting kalagayan ang kalusugan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., habang papalo naman sa 30% Pinoy ang mga hindi naniniwala.
Matatandaang ang Pangulo mismo ang nagkumpirma noong Enero 28, 2026, ang pagdapo sa kaniya ng sakit na diverticulitis ngunit tiniyak niya sa publiko na patuloy pa rin siyang gumaganap sa kaniyang tungkulin sa kabila nito.
Simula nito, iba't ibang mga impormasyon ang kumalat sa publiko na nagpagulo sa mga usapin tungkol sa kalusugan ng Pangulo habang mayroon pa rin namang nagsasabing mga ulat na mabuti pa rin ang kaniyang kalagayan.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, bumwelta sa bashers: 'Sumobra pagka-excited n'yo, andito pa 'ko!'
Ayon sa inilabas na resulta ng survey ng Social Weather Report (SWS) nitong Martes, Mayo 26, 2026, na isinagawa nila noong Marso 2026, makikitang aabot sa 14% ng mga Pilipino ang mariing naniniwala (strongly believe) at 21% naman ang medyo naniniwala (somewhat believe) na nasa mabuting kondisyon ang kalusugan ni PBBM, dahilan para umabot sa kabuuang 35% na mga Pinoy ang naniniwalang malusog ang Pangulo.
Sa kabila nito, aabot naman sa 30% ng mga Pilipino ang hindi naniniwalang malusog ang Pangulo, 15% sa kanila ay medyo hindi naniniwala (somewhat not believe) habang 15% naman ang mariing naniniwala (strongly believe).
Samantala, pumalo naman sa kabuuang 35% ang mga hindi desidido (undecided) sa kanilang sagot kaugnay sa kasalukuyang kondisyon ng Pangulo.
Photo courtesy: SWS
Anang SWS, 39% ng mga Pilipinong nasa Balance Luzon ang may pinakamataas na porsyentong naniniwalang nasa mabuting kalagayan ang kondisyon ng kalusugan ni PBBM, sinundan ito ng 38% ng mga taong mula sa Metro Manila, 33% mula sa Visayas, at 27% naman mula sa Mindanao.
Sa mga hindi naman naniniwalang malusog si PBBM, umabot ang tala nila sa 37% mula sa mga Pilipinong nakatira sa Mindanao, sinundan ito ng 35% sa Metro Manila, 30% sa VIsayas, at 25% naman sa Balance Luzon.
Aabot naman sa 37% mula sa Visayas ang undecided tungkol sa kalusugan ng Pangulo, sinundan ito ng 36% sa Balance Luzon, 36% din sa Mindanao, at 27% naman sa Metro Manila.
Photo courtesy: SWS
Matatandaang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang batikang mamamahayag at dating television host na si Jay Sonza noong Abril 30, 2026, dahil sa kasong cyber libel na isinampa laban sa kaniya kaugnay sa mga umano'y pagpapakalat ng maling impormasyon na may kinalaman sa kalusugan ni PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: Jay Sonza, inaresto dahil sa kasong cyber libel