Nakabalik na raw sa Pilipinas ang “Queen of All Media” na si Kris Aquino kasama umano ang ang boyfriend niyang doktor ayon kay showbiz insider Ogie Diaz.
Matatandaang inamin ni Kris ang tungkol sa bago niyang karelasyon nang kapanayamin siya ni Ogie sa vlog nitong “Ogie Diaz Inspires” noong Hunyo.
MAKI-BALITA: Kris Aquino, may karelasyong doktor sa Pilipinas
Sa latest episode ng “Showbiz Updates” kamakailan, tsinika ni Ogie kung sino-sino ang kasama ni Kris sa pagbalik nito sa bansa.
“Dumating na si Kris Aquino…kasama ang tatlong nurses at tatlong doktor ngayong September 13. At ang tsika nga, kasama rin ang doktor na boyfriend niya…at ang pinaghuhugutan niya ng lakas na si Bimby,” kuwento ni Ogie.
“Samantalang si Joshua ay naiwan kay Anne Binay, sa kaniyang bestfriend,” dugtong pa niya.
Inanunsiyo ni Kris ang naturang pag-uwi sa pamamagitan ng Instagram post noong Huwebes, Setyembre 12 dahil bukod sa kailangan niya umanong sumailalim sa pangalawang immunosuppressant infusions, kailangan din daw niya ng encouragement at unwavering faith mula sa kaniyang mga kapatid at pamilya.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na rekasiyon o pahayag si Kris hinggil sa nasabing tsika.