November 23, 2024

Home BALITA Metro

Construction worker, binigti ng kabaro na tinangka niyang patayin

Construction worker, binigti ng kabaro na tinangka niyang patayin
file photo

Patay ang isang construction worker nang bigtihin ng kaniyang kabaro, na una niyang tinangkang patayin sa sakal, matapos sila magkaroon ng mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa Tanay, Rizal, nabatid nitong Huwebes.

Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si alyas ‘Jerry,’ 55, construction worker, at residente ng Brgy. Sampaloc, sa Tanay habang arestado naman ang suspek na si alyas JR, 26, construction worker at residente rin ng naturang lugar.

Batay sa ulat, dakong alas-4:30 ng hapon ng Miyerkules nang maganap ang insidente sa Marilaque Road, sa Sitio Malapapaya, Brgy. Sampaloc, Tanay, Rizal.

Nauna rito, dakong ala-1:00 ng hapon ay inimbitahan umano ng biktima ang suspek na makipag-inuman sa kanya sa naturang lugar.

Metro

Marikina LGU: Ulat na dinukot ang 4 na menor de edad sa lungsod, fake news!

Gayunman, makaraan ang ilang oras na pag-iinuman ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang dalawa nang tumanggi ang suspek sa hiling ng biktima na tulungan siya sa kinakaharap na problema sa lupa.

Dito na umano sinunggaban ng biktima sa leeg ang suspek at tinangkang sakalin.

Gayunman, nagawa ng suspek na makadampot ng isang dilaw na nylon cord na ginamit niya upang bigtihin ang biktima, na ikinamatay nito.

Tinangka pa ng suspek na tumakas matapos ang incidente ngunit naaresto rin ng mga awtoridad sa isang hot pursuit operation.