Sa kaniyang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-123 Police Service Anniversary, pinaalala ni Vice President Sara Duterte sa mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) ang kahalagahan umano ng integridad sa kanilang propesyong naglalayong paglingkuran ang mga Pilipino.
Base sa isang mensahe nitong Huwebes, Agosto 8, sinabi ni Duterte na magandang pagkakataon ang anibersaryo ng Police Service upang pasalamatan at saluduhan ang PNP sa kanilang mga tagumpay bilang mga alagad ng batas.
“Maging pagkakataon din sana ito para alalahanin ng mga kasapi ng PNP ang kahalagahan ng integridad bilang mga propesyonal na naatasang maglingkod sa mga Pilipino,” aniya.
“Mahalaga rin na maipakita ng PNP na isa itong malayang institusyon na nagsusulong ng katotohanan sa harap ng mga kasinungalingan at iba pang pagmamalabis sa ating lipunan.”
“Ang paglilingkod sa bayan ay tunay lamang na matagumpay, makahulugan, at kapuri-puri kung ito ay marangal, tapat, at naninindigan sa kapakanan at interes ng bayan. Manindigan tayo para sa katotohanan, sa tama, sa mga Pilipino, at sa ating bansang Pilipinas,” saad pa niya.
Samantala, matatandaang naging usap-usapan kamakailan ang naging patutsada ni Duterte kay PNP chief Rommel Marbil kaugnay ng ni-relieve na 75 tauhan ng PNP Police and Security Group na dating nakaatas para sa kaniyang proteksyon.
MAKI-BALITA: VP Sara pinatutsadahan si PNP Chief Marbil: 'Batas ka lang, hindi ka Diyos'
Kaugnay nito, inihayag naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na mas marami pa rin ang bilang ng bodyguards ni Duterte kaysa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kahit pa nalagasan umano ito ng 75 security escorts.
MAKI-BALITA: Kahit nalagasan: Bodyguards ni VP Sara, mas marami pa rin kaysa kay PBBM -- Remulla