October 04, 2024

Home BALITA National

VP Sara pinatutsadahan si PNP Chief Marbil: 'Batas ka lang, hindi ka Diyos'

VP Sara pinatutsadahan si PNP Chief Marbil: 'Batas ka lang, hindi ka Diyos'
Photos courtesy: VP Sara Duterte (Facebook), PNP Chief Rommel Marbil (Office of the Chief PNP/Facebook)

Pinatutsadahan ni Vice President Sara Duterte si Philippine National Police (PNP) chief Rommel Marbil kaugnay sa ni-relieve na 75 tauhan ng PNP Police and Security Group na dating nakaatas para sa kaniyang proteksyon.

Sa isang Facebook post nitong Lunes, Hulyo 29, naglabas ng 4-page open letter si Duterte para kay Marbil kung saan in-address niya ang mga isyu at mga kasinungalingan umano nito tungkol sa pagbawi ng security team ng Office of the Vice President (OVP).

Inulit ni Duterte ang nauna niyang pahayag na hindi makakaapekto sa kaniyang trabaho bilang bise presidente ang pagbawi sa naturang security personnel at wala raw siyang problema rito dahil kaya niya raw magtrabaho ng walang security. 

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, kinumpirma pag-relieve ng 75 personnel na itinalaga para sa proteksyon niya

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Sumunod dito, iniisa-isa ng bise presidente ang mga kasinungalingan umano na ipinahahayag ng PNP chief sa taumbayan.

"Ang Vice Presidential Protection Division (VPPD) na isinailalim sa PSPG ayon sa utos ng NAPOLCOM ay sadyang ginawa para hindi pakialaman ng mga tulad mo ang security ko at ng mga susunod na Bise Presidente ng bansa. Malinaw ito sa dokumento ng NAPOLCOM at PNP," ani Duterte. 

Kasunod nito, pinabulaanan niya ang sinabi umano ni Marbil na nag-request umano sila sa OVP na ipu-pull out nila ang 75 PNP personnel dahil sa pangangailangan ng kapulisan sa NCR, at puwede naman daw mag-request ng karagdagan kung kailangan.

"Walang request na nangyari. Sinabihan lamang ng PSPG ang OVP na kukunin nila ang mga personnel. Hindi na kami nakipagtalo dahil ikaw naman ang batas 'di ba? Kasunod nito ay lumabas na ang Relief Orders sa utos mo. Ito ay base na rin sa dokumento ng PNP," paglilinaw umano ng bise presidente.

Inilahad din ni Duterte ang sinabi ni Marbil na wala raw itong nakikitang "threat" laban sa kaniya kaya kinailangan umano magbawas ng tauhan. 

Saad ng bise presidente: "Hindi ba’t mayroong malisyosong pagpapalabas ng video footage noong ako’y nasa NAIA? Kuha sa isang lugar kung saan pawang mga empleyado lamang ng paliparan at piling mga tao ang maaring nandoon. Hindi na baleng ako, ngunit nakuha at naisapubliko rin sa naturang video ang aking asawa at mga menor de edad na anak na naging isang malaking banta sa kanilang seguridad."

"Bukod pa rito, kamakailan lang ay nagtungo rin ang mga operatiba ng PNP sa lugar kung saan ako nakatira upang "mag-casing." Pilit pang inaalam kung nasaan mismo ang bahay na inuupahan ko. Bahay kung saan rin nakatira ang aking mga anak. Kung hindi ito napigilan ng mga nagmagandang loob na opisyal ng homeowners’ association, hindi ko na alam kung ano pa ang maaring mangyari," pahayag pa niya.

Patutsada pa ni Duterte, "Isa pa. Sinasabi mong walang threat pero pwedeng mag-request ng dagdag na personnel. Ano ba talaga?

"Kung talagang wala kang nakikitang banta laban sakin, bakit nagtira ka pa ng 45 na tauhan ng PNP na ikaw ang pumili?

"Tandaan mo, pagdating sa seguridad ng aking pamilya, ako ang magsasabi kung sino ang karapat-dapat, hindi ikaw. Batas ka lang, hindi ka Diyos," anang bise presidente. 

Sinabi rin ni Duterte na nangyari ang relief ng PNP personnal nang mag-resign siya bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd), pagkatapos niyang ihambing ng SONA sa isang catastrophic event, at matapos lumabas ang cocaine video ni Pangulong Bongbong Marcos.

"Ang relief ng mga PNP personnel ay dumating pagkatapos ko mag-resign sa DepEd, pagkatapos ko inihambing ang SONA sa isang catastrophic event, at pagkatapos lumabas ang cocaine video.

"Let us spare our people from all the lies. Let us call it what it is — a clear case of political harassment.

"Ito ay malinaw, lalo na’t ang saklaw ng relief order ay mga tauhan ng PNP na mayroong "trust and confidence" ko dahil kung hindi sila security ni Pangulong Rodrigo R. Duterte mula pa noong 2016, ay security ko na mula pa noong 2007.

"It was obviously a targeted list and a targeted maneuver — nothing else."

Samantala, wala pang pahayag si Marbil kaugnay sa open letter ni Duterte.