October 11, 2024

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Mga trahedyang nangyari tuwing nagdaan ang Friday the 13th

BALITAnaw: Mga trahedyang nangyari tuwing nagdaan ang Friday the 13th
Photo courtesy: Pexels

Mabilis mang tumatawid ang mundo tungo sa modernong pamumuhay at pag-iisip, tila may isang paniniwalang hindi na maaaring mabura, kung saan halos lahat umano ng kultura ay nagkakasundo–ang Friday the 13th, ang araw na hanggang ngayon ay pinaniniwalaang nagdadala ng kamalasan. 

Maraming teorya ang pinagmulan kung paano nga ba nagsimula ang negatibong pananaw sa Friday the 13th. Pinalala pa ito ng umano’y mga trahedyang nangyari sa araw na ito. 

Kaya naman ngayong sumapit na muli ang Friday the 13th, narito ang ilang kamalasang nangyari sa kasaysayan:

Friday the 13th virus

BALITAnaw

BALITAnaw: Paano nga ba nagsimula ang 'World Smile Day?'

Isa sa naging mapaminsalang virus sa technology industry ang kumalat na Friday the 13th virus noong 1988, na mas kilala rin sa tawag na “Jerusalem” virus.

Ayon sa mga ilang malalaking cybersecurity company katulad ng Panda Security at 46Solutions, ang naturang virus ay nagawa noong 1987 sa Jerusalem habang isinakto naman itong ipakalat noong May 13, 1988.

Ayon sa DevX, isang cybersecurity expert, direktang pinipinasala ng Friday the 13th virus ang storage ng mga computers na siyang nagiging sanhi ng pagbagal nito at tuluyang pagkabura ng mga files na nakapaloob sa computer systems.

Rugby team Cannibalism

Noong Oktubre 13, 1972, lulan ng isang Air Force aircraft flight 571, hindi inasahan ng Uruguayan rugby team na noo’y patungong Chile para sa isang exhibition match, ang kalunos-lunos na trahedyang nag-aantay sa kanila na sumubok sa kanilang pagkatao–bumagsak ang sinasakyan nila sa kabundukan ng Argentina.

Ayon sa National Geographic, umabot ng halos dalawang buwan bago dumating ang rescue sa mga biktima dahil sa lokasyon ng bundok na binagsakan nila, kung saan 16 lang nagawang makaligtas mula sa 45 na sakay ng naturang eroplano. 

Sa pagsasalaysay ng mga biktima, inamin nilang napilitan silang kainin ang bangkay ng ilang nasawi upang tumagal sa nagyeyelong kabundukan ng Argentina. 

Pagbomba sa Buckingham Palace

Noong Setyembre 13, 1940 naranasan ng Royal Family ng England ang bagsik ng diktador na si Adolf Hitler noong World War I matapos nitong bombahin ang Buckingham Palace.

Ayon sa opisyal na pagsasalaysay ng Royal Family sa Royal website, anim na bomba ang pinakawalan umano ng isang misteryosong aircraft kung saan naroon ang British Royal Monarch. Wala namang naiatalang nasawi mula sa Royal Family.

Ang paglubog ng Costa Concordia

Noong January 13, 2012, lumubog ang pinakamalaking barko sa kasaysayan, ang Costa Concordia. Ito ay isang cruise ship na mas malaki umano kaysa sa Titanic na sumadsad at halos lumubog sa isla ng Giglio sa Mediterranean Sea.

Ayon sa ulat ng BBC, 32 tao ang nasawi sa trahedya at 4,200 na pasahero at crew nito ang kumpirmadong nasugatan.

Impeachment sa ika-13 Pangulo ng Pilipinas

Friday the 13th din naganap ang isa sa makasaysayang pangyayari sa gobyerno ng Pilipinas matapos mapatalsik ang ika-13 Pangulo ng bansa na si dating Pangulo Joseph Estrada noong Nobyembre 13, 2000.

Sa ulat ng GMA News, naisapubliko ang mga alegasyon sa dating Pangulo tungkol sa mga kinasasangkutan nitong korapsyon at direktang partisipasyon sa ‘Jueteng.’ Ang mga kaso kay Estrada ay pinagtibay umano ng dating gobernador ng Ilocos Sur na si Chavit Singson kung saan isinalaysay din niya ang umano’y korapsyon ng Pangulo sa tobacco excise tax.

Nauwi sa impeachment trial ang imbestigasyon kay Estrada at tuluyan siyang napatalsik sa puwesto.

Ang madugong patayan sa ‘Kalye Impyerno’

Pinalala naman ng isang insidente sa isang lugar sa Navotas City ang madilim na pagtingin sa Friday the 13th matapos mangyari rito ang madugong pangyayaring kumitil sa tatlong buhay sa tinaguriang ‘Kalye Impyerno.’

Sa isang dokumentaryo ng GMA, binansagang ‘Kalye Impyerno’ ang naturang lugar dahil umano sa nakaraan nito bilang pugad ng mga drug dealers noon. 

Noong Disyembre 13, 2013, isang 18-anyos na buntis ang pinagbabaril kasama ang kaniyang mga magulang sa sarili nilang tahanan. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, ang live-in partner ng biktima ang suspek dahil umano sa matinding selos nito.

---

Ilan lamang 'yan sa mga pangyayari na naganap no'ng sumapit ang Friday the 13th. Ikaw, anong mga kamalasan ang nabalitaan o naranasan mo sa tuwing sasapit ang Friday the 13th?

Kate Garcia