Naisip mo na ba kung bakit sa ilang mga intersection ng kalsada, may mga rotonda kahit na pwede naman na wala ang mga ito? Ang dahilan dito, ang mga rotonda ay mabisa sa pagpapanatili ng kaligtasan sa ating mga kalsada.
Ayon sa Asian Development Bank (ADB), mas kayang pigilan ng rotonda kaysa sa pagpapatupad ng batas ang overspeeding, dahil habang ang mga driver ay maaaring maiwasan na mahuli sa overspeeding, ang mga traffic calming measures tulad ng mga rotonda ay hindi maiiwasan kaya mapipilitan ang mga driver na bumagal.
Maaaring hindi natin gaanong napapansin ang kahalagahan ng traffic calming instruments tulad ng mga humps, traffic circles, raised crossings, curb extensions, at mga katulad nito, ngunit kailangan nating mamuhunan sa mga ito upang maiwasan at mabawasan ang mga aksidente sa kalsada.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ng 39 porsiyento ang mga namatay sa trapiko sa kalsada sa loob ng isang dekada. Noong 2011, mayroong 7,938 na pagkamatay sa trapiko sa kalsada. Noong 2021, tumaas ito sa 11,096 na pagkamatay.
Bukod dito, ang mga road traffic injury ang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipinong 15-29 taong gulang, at isang pangunahing pumapatay sa mga bata, ayon sa World Health Organization (WHO). Sa Pilipinas, ang mga pinsala sa trapiko sa kalsada ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang 2.6 porsiyento ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Ang mga aksidente sa kalsada na ito ay maiiwasan, at malaking tulong ang mga traffic calming measure gaya ng mga roundabout, rumble strips, nakataas na tawiran, intersection at midblock na mga platform, chicanes (sinasadyang s-shape curve sa kalsada), chokers, at gateway treatments, na nagmamarka ng mga transition point kung kailangan nang bumagal.
Sa United Kingdom (UK), nabawasan ng 50 porsiyento ang mga pagkamatay at malubhang pinsala sa katawan mula sa road accident dahil sa mga chicane, mini-roundabout, at speed hump.
Ang Australia ay nagtala ng 63 porsiyentong pagbaba sa mga insidente ng pagkamatay at pinsala dahil sa raised crossings, 55 porsiyentong pagbawas sa road casualties dahil sa raised intersections, at 47 porsiyentong pagbawas ng road casualties dahil sa mga raised midblock platform.
Sa Seattle, Washington sa Amerika, ang pagpapatupad ng mga traffic calming measures tulad ng pagpapaliit ng lane at speed humps ay nagresulta sa 29 porsiyentong pagbaba sa lahat ng mga nasawi sa trapiko.
Gayunpaman, mahalagang tandaan na ang pagpaplano ay napakahalaga sa pagpapatupad ng mga hakbang sa pagpapatahimik ng trapiko.
Ayon sa Global Alliance of NGOs for Road Safety, ang disenyo at pagkalagay ng mga traffic calming measures ay dapat makahikayat sa mga sasakyan na bawasan ang kanilang travel speed. Dapat itong ipatupad sa mga network ng mga kalye, partikular sa mga residential area, sa mga pampublikong sakayan, ospital, paaralan, at mga katulad na lugar.
Ang mga traffic calming intervention na ito ay nilalayong unahin ang kaligtasan ng mga tao. Ang mga ito ay kinakailangan lalo na sa mga lugar kung saan ang road-sharing—kung saan ang mga pedestrian, siklista, at mga sasakyang de-motor ay maaaring ligtas na gumamit ng ating mga kalsada—ang dapat na maging normal na konsepto.