June 05, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga umano’y sakit ni ex-DPWH Sec. Manuel Bonoan

ALAMIN: Mga umano’y sakit ni ex-DPWH Sec. Manuel Bonoan
Photo courtesy: MB


Sa nagdaang linggo, mainit na pinag-usapan ang mga ulat kaugnay sa pagsuko ni Sen. Jinggoy Estrada kasunod ang warrant of arrest na inihain laban sa kaniya para sa kaso nito hinggil sa flood control scandal.

Ngunit maliban kay Sen. Jinggoy, nakaladkad din ang pangalan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kaugnay pa rin sa maanomalyang flood control projects.

Sa katunayan, hinainan nga ng Sandiganbayan ang dating kalihim ng arrest order dahil sa pagkakadawit umano nito sa naturang eskandalo.

Pero noong Lunes, Hunyo 1, naospital si Bonoan bunsod ng mataas na presyon.

Kasunod naman nito, iniulat ng Philippine National Police (PNP) noong Martes, Hunyo 2, na “conscious,” “coherent,” at “oriented” na si Bonoan.

MAKI-BALITA: PNP sa kalagayan ni ex-DPWH Sec. Bonoan: ‘Conscious, coherent, oriented’

At noon namang Huwebes ng hapon, Hunyo 4, sa gitna ng arraignment ni Sen. Jinggoy at Bonoan para sa kasong graft, naisa-isa ang mga umano’y medikal na kondisyon ng dating DPWH secretary.

Batay sa ulat ng Manila Bulletin, isinalaysay ng hukom ang mga umano’y sakit ni Bonoan—na mababasa sa isang dokumento.

Ayon sa hukom, ang mga sakit ng dating kalihim ng DPWH ay Acute coronary syndrome, heart failure, Hypertension, Type-2 diabetes, Chronic kidney disease (CKD), Carcinoma, Prostate cancer, at Spine pain.

Ano-ano nga ba ang mga sakit na ito?

Acute coronary syndrome - Ayon sa Heart Organization, ito ay isang “umbrella term” na ginagamit upang ilarawan ang kondisyong dulot ng “sudden” o kaya naman ay “reduced” blood flow sa puso.

Heart failure - Base sa impormasyong inilatag ng Heart Organization, isa itong kondisyong naglalarawan sa paghina ng kakayahan ng puso na tumibok upang makapaghatid ng sapat na dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Hypertension - Batay sa Centers for Disease Control and Prevention, tinatawag din itong “high blood pressure,” kung saan nangyayari dahil sa paglakas ng puwersa ng dugo laban sa “artery walls” ng puso.

Type-2 diabetes - Ayon sa Cleveland Clinic, tumutukoy ito sa kondisyon na kung saan pinipigilan ng katawan ang epekto ng insulin; o kaya naman ay ang kawalan ng katawan ng kakayahang mag-produce nito upang matiyak ang sapat na lebel ng “glucose” sa katawan.

Chronic kidney disease (CKD) - Base sa ulat ng Mayo Clinic, ito ay isang kondisyong tumutukoy sa mabagal na paghina ng “kidneys.”

Sa kondisyong ito, unti-unting humihina ang mga bato, hanggang sa puntong hindi na nito kayang salain ang dugo ng tao.

Carcinoma - Batay sa impormasyong ibinahagi ng National Cancer Institute, ang sakit na ito ay tumutukoy sa isang kanser na nagmumula sa “epithelial cells” ng tao. Maaari itong mabuo sa iba’t ibang bahagi ng katawan gaya ng mga baga, suso, “colon,” at maging sa “prostate.”

Prostate cancer - Paliwanag ng Mayo Clinic, isa ito sa pinaka-karaniwang “non-skin cancer” sa mga kalalakihan. Pinupuntirya ng kanser na ito ang “prostate gland” ng lalaki, na responsable sa paggawa ng “seminal fluid.”

Spine pain - Ayon sa Mayo Clinic, ang sakit ito ay tumutukoy sa karaniwang kondisyong may kinalaman sa “muscle strains” hanggang sa “degenerative disc”—na mas kilala sa katawagang “arthritis.”

Samantala, paglilinaw naman ng  abogado ni Bonoan, sumailalim siya sa isang “angiogram.”

Base pa sa pinakahuling ulat patungkol sa dating kalihim, naka-confine umano ito sa The Medical City; sa ilalim ng kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Pinayagan din ng Sandiganbayan na sumailalim siya sa isang hospital arrest.

KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Mga sakit na sumulpot sa ilang politiko matapos silang makasuhan at makulong-Balita