Tila hindi na bago sa mga Pilipino ang mga senaryo kung saan bigla na amang nagkakasakit ang mga politikong nakakasuhan o nakukulong.
Saksi diyan ang neck brace, wheelchair at tungko, na tila naging “iconic” na nga rin sa kasaysayan ng bansa—dahil ‘ika nga nila, ang mga politikong nasusukol, sa sakit kumakapit.
Gloria Macapagal-Arroyo
Isa ang naging kaso ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) sa mga naging matunog na isyu ng pandarambong sa kasaysayan ng bansa. Taong 2008 hanggang 2010 nang naharap sa plunder case si GMA kaugnay ng umano’y maling paggamit ng ₱366 milyong intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Kaugnay nito, taong 2011 nang kinailangan siyang dalhin noon sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City bunsod umano ng matinding pananakit ng leeg at batok kung saan na-diagnose siya ng “cervical spondylotic radiculopathy” at umabot ng hanggang tatlong opera ang kinailngan ng dating Pangulo para sa nasabi niyang sakit.
Bong Revilla
Taong 2014 nang nasangkot at nakulong sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center si dating Senador Bong Revilla dahil sa 16 counts ng graft at plunder kaugnay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.
Hunyo 2014 nang siya ay nakulong, subalit pagtungtong ng Nobyembre 2014 ay nagpabalik-balik na sa St. Luke’s Medical Center ang dating senador dahil sa hypertension, severe migraine at lumbosacral radiculopathy secondary to spondylosis.
Jinggoy Estrada
Si Sen. Jinggoy Estrada ay kasalukuyang nahaharap sa ikatlo niyang plunder case, subalit ayon sa mga tala, tatlong beses na rin umano siyang may iniinda kasabay ng kaniyang kinakaharap na mga reklamo.
Noong 2001 nang unang nakasuhan ng plunder si Estrada kasama ng kaniyang amang si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada hinggil sa ₱545 milyong protection money mula umano sa jueteng operators. Naugnay din sa senador ang ₱130 milyong tobacco excise tax sa Ilocos Sur at pagtanggap umano ng ₱189.7 milyong kickback mula sa Belle Corp.
Habang nakakulong, taong 2002 nang naghain ng mosyon ang kaniyang kampo na mailipat siya sa Makati Medical Center dahil sa labis na pagdurugo ng puwit.
Matapos ma-acquit noong 2007, muling naharap sa ikalawang plunder case si Jinggoy kaugnay naman ng PDAF scam noong 2014 at muli siyang naaresto. Nang sumunod na taon ng 2015, pinayagan siya ng Sandiganbayan na magpagamot sa Cardinal Santos Medical Center dahil umano sa labis na pananakit ng balikat.
At ngayong 2026, sa ikatlong plunder case kaugnay ng kickback umano sa flood control projects, iginigiit naman ng kaniyang kampo na kailangan niyang sumailalim sa knee replacement surgery.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Ang tatlong plunder cases na tumira kay Sen. Jinggoy
Juan Ponce Enrile
Kaugnay pa rin ng PDAF scam, kabilang sa naaresto noon si dating Senate President Juan Ponce Enrile subalit matapos maghain ang kaniyang kampo para sa hospital arrest—kinatigan ito ng Sandiganbayan at pinayagan siyang manatili sa Philippine National Police General Hospital (PNPGH).
Taong 2015 nang payagan siyang makapagpiyansa dahil sa edad na 90 taong gulang.
Rodrigo Duterte
Isa na ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pinakakontrobersyal na kinasangkutan ng matataas na opisyal ng bansa. Si Duterte na noo’y 79 taong gulang ay inaresto sa bisa ng arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) noong Marso 2025 bunsod ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
Sa pag-usad ng aniyang kaso at mga pagdinig dito, makailang ulit ibinala ng kaniyang kampo ang kundisyon niya hinggil sa makailang ulit na umano niyang pagkahulog sa kaniyang detention cell. Patuloy ding iginigiit ng kaniyang kampo ang tuloy-tuloy umanong pagbabago sa memorya ng dating Pangulo bunga ng kaniyang katandaan.
Sa kasalukuyan, si Arroyo ay kasalukuyang kongresista ng Pampanga, si Revilla ay muling nakakulong bunsod ng maanomalyang flood control projects, si Enrile ay yumao na sa edad na 101-anyos, si Estrada ay may arrest warrant na mula sa Sandiganbayan habang nananatili pa rin si Duterte sa ICC dahil sa reklamong crimes against humanity.