June 06, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Buhay pa nga ba ang diwa ng Brigada Eskwela?

#BalitaExclusives: Buhay pa nga ba ang diwa ng Brigada Eskwela?
Photo courtesy: Adriyel Mislang Santiago (FB)

Sa bawat hagod ng pintura, bawat walis sa sahig, at bawat sirang upuang muling inaayos, nabubuhay ang diwa ng Brigada Eskwela bago ang muling pagbubukas ng bagong taong panuruan.

Ngunit sa paglipas ng mga taon, at sa mga kasalukuyang isyu ng bansa, marami na rin ang nagtatanong: volunteerism pa rin ba ito, o isa nang paraan upang punan ang mga kakulangan ng sistemang pang-edukasyon at pampamahalaan?

Muling umarangkada ngayong taon ang Brigada Eskwela, ang taunang programa ng Department of Education (DepEd) na naglalayong ihanda ang mga paaralan bago ang pagbubukas ng klase.

Para sa 2026, dala nito ang temang "Bayanihan sa Paaralan: Nagkakaisa para sa Kaayusan at Kaalaman"," na nagbibigay-diin sa pagtutulungan ng komunidad upang mapabuti ang kalagayan ng mga paaralan at matulungan ang mga mag-aaral na maging handa sa panibagong taong pampaaralan upang magkaroon ng kaayusan at kaalaman.

Isa sa mga aktibong kalahok sa programa ay si Teacher Adriyel Santiago, isang Grade 8 English teacher at tagapagturo rin ng Information, Communication, and Technology (ICT) subjects ng Special Program in Journalism (SPJ). Labintatlong taon na siyang nasa propesyon—tatlong taon sa pribadong paaralan at sampung taon sa pampublikong paaralan.

Human-Interest

Ingat! Mga WILD na sakit tuwing panahon ng tag-ulan

Sa unang araw ng Brigada Eskwela noong Hunyo 1, ibinahagi niya sa kaniyang social media post ang pagtulong sa kaniya ng mga mag-aaral sa pag-aayos ng kanilang silid-aralan. Dito ay nanawagan siya sa mga mabubuting loob na nagnanais na mag-abot ng tulong para sa nabanggit na gawain.

"[S]a gusto pa magpaabot ng tulong pandagdag sa pintura, tumatanggap pa rin po kami ng donations salamat po," aniya.

EKSKLUSIBONG PANAYAM KAY T. ADRIYEL

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Santiago, sinabi niyang naging maayos ang unang araw ng Brigada Eskwela sa kanilang paaralan dahil sa pakikiisa ng iba't ibang sektor ng komunidad.

"Nakilahok ang mga alumni, magulang, mag-aaral, LGU at iba pang volunteers. Nagtulungan kami upang maihanda ang lahat ng kinakailangan bago magsimula ang klase," aniya.

Ikinuwento rin niya na matapos ang tatlong taon ay muli siyang nagkaroon ng advisory class, dahilan upang magsimula silang muli sa pag-aayos ng kanilang silid-aralan.

"Hindi naging madali dahil parang nagsisimula kami from scratch. Pero alam kong dahil sa tulong ng volunteers, donors, parents at students ay magiging maayos ang lahat," dagdag niya.

Kasabay ng Brigada Eskwela ay isinagawa rin sa kanilang paaralan ang enrollment at Brigada Pagbasa, kung saan nagtalaga ng mga guro sa Filipino at English upang tulungan ang mga mag-aaral, partikular ang mga incoming Grade 7 learners, na mapaunlad ang kanilang kakayahan sa pagbasa.

VOLUNTEERISM O PANAPAL SA TOTOONG PROBLEMA?

Sa kabila ng positibong epekto ng programa, hindi rin maikakaila ang mga tanong na ibinabato rito ng ilang sektor.

May mga nagsasabing nagiging simbolo na lamang ito ng "resiliency" ng mga Pilipino at ginagamit upang itapal sa kakulangan ng sapat na pondo at suporta mula sa pamahalaan.

Para kay Santiago, hati ang kaniyang pananaw sa usaping ito.

"Nagkakaroon kami ng chance na ihanda ang aming klase bago magpasukan, nagkakaroon din ng pagkakaisa ang mga magulang, guro at mag aaral upang mas mapaunlad ang paaralan sa physical na aspeto," aniya.

Sa kabila ng mga positibong bagay, hindi rin daw maiwasan ng guro na mapaisip.

Aniya, bagama't may mga pahayag na sapat ang pondong inilalabas para sa mga paaralan, hindi ito lubos na nararamdaman sa aktuwal na kalagayan sa mga silid-aralan.

"Pero mapapatanong din ako dahil madami ang mga guro na bumubunot mismo sa kanilang mga bulsa upang bumili ng pintura, magpaayos ng mga sirang upuan, bumili ng cleaning materials para takpan ang mga di magagandang mukha ng isang silid aralan, kinakailangan pang humingi ng donation ang mga guro sa mga kakilala na minsan wala nmn talaga na rin sila malapitan kaya sila mismo ang gumagasta."

"Sapat daw ang budget na ibinibigay pero nasaan kasi di naman namin ramdam, sariling sikap lagi ang mga guro mula noong unang taong ko as public teacher at hanggang ngayon."

"Pero nagpapasalamat pa rin ako dahil marami pa rin ang may mababait at nakakaintindi sa sitwasyon naming mga guro, may mga tao pa ring handang tumulong at magbigay ng donasyon para sa mas maayos na silid aralan at maayos na pagkatuto ng mga mag-aaral."

SAGOT NG DEPED SA ISYU

Samantala, naglabas naman ng opisyal na pahayag at paglilinaw ang DepEd, na hindi nila inoobliga ang mga guro na magpaluwal ng sarili nilang pera para sa Brigada Eskwela, matapos makarating sa kanila ang iba't ibang social media posts tungkol dito.

"Hindi obligadong gumastos ang mga guro mula sa sariling bulsa para sa paghahanda ng paaralan," anila noong Biyernes, Hunyo 5.

"Pinahahalagahan ng #DepEdPhilippines ang kusang pagtulong ng mga guro, pero malinaw na hindi dapat sa personal na bulsa nakaasa ang school readiness."

"Mahigpit na ipinatutupad ang No Collection Policy, at pinalalakas ang suporta sa pamamagitan ng School MOOE, tulong mula sa LGUs, partners, volunteers, at iba pang government agencies."

"Ang #BrigadaEskwela ay hindi fundraising activity—ito ay whole-of-community effort para ihanda ang mga paaralan para sa learners," anila pa.