June 05, 2026

Home FEATURES

Clowns hanggang Commoners: 12 uri ng mga estudyante sa High School ni Bob Ong!

Clowns hanggang Commoners: 12 uri ng mga estudyante sa High School ni Bob Ong!
Photo courtesy: via MB

Ilang araw na lang at muli nang magsisimula ang taong-panuruan 2026-2027 kung saan asahan ang pagbabalik ng mga bagets mula sa Kindergarten hanggang sa Grade 12 ng Senior High School na saklaw ng Department of Education (DepEd).

Ngayong Biyernes, Hunyo 5, 2026, ang huling araw ng pagsasagawa ng Brigada Eskwela upang makapaghanda sa nalalabing pagbabalik ng mga bata sa eskwela. 

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Dapat na bang buwagin ang Brigada Eskuwela?

Ngunit sa tagal na ng panahong pinatatakbo ng isang sistematikong edukasyon ang Pilipinas, hindi maikakailang higit na mahalaga sa alaala ng isang indibidwal ang mga nakasalamuha at nakilala nilang mga kaklase habang nag-aaral pa sila, partikular sa High School. 

May iba’t ibang uri ng pagkakakilanlan ang bawat indibidwal, ‘ika nga. Ngunit sa paglipas ng panahon, lagi’t laging may makikilala ang isang tao na kahalintulad sa pag-uugali ng mga nauna sa anomang henerasyon. 

ALAMIN: Mga umano’y sakit ni ex-DPWH Sec. Manuel Bonoan

Bawat taon, umaalis ang isang bulto ng klase sa isang classroom kung saan sila tumahan sa loob ng durasyon ng isang school year. Mapapalitan sila ng panibagong batch, ngunit dito muling magsisimulang umusbong ang iba’t ibang klase ng mga bata ayon sa kanilang mga pansariling personalidad. 

Halimbawa na rin sa 12 na uri ng mga estudyante na inilatag ng manunulat na si Bob Ong sa kaniyang nobelang ABNKKBSNPLAko?! noong 2001 at isinapelikula naman noong 2014. 

Mula sa mga nagpapatawa, walang mga pakialam, pala-absent, pa-cute, varsity players, performers, masisipag, mandaraya, teacher’s enemy, henyo, at iba pa. Makikilala mo ba sila sa bersyon ng mga kaklase mo? Higit sa lahat, saan ka nabibilang? 

Narito ang naging paghihimay ni Bob Ong sa iba’t ibang uri ng mga mag-aaral sa loob ng isang classroom sa High School: 

CLOWNS

Ani Bob Ong, sila raw ang mga maituturing na opisyal na kenkoy at nagpapagising kapag marami na ang inaantok sa klase. Kulang Sa Pandin o “KSP” ‘ika nga raw mga guro dahil laging idinadaan sa pagpapatawa ang mga bagay-bagay upang mapansin. 

“Pero aaminin ko, walang klaseng walang ganito, at kung mayroon man, magiging matinding 

sakripisyo ang pagpasok sa eskwela araw-araw,” aniya. 

GEEKS 

Sila naman daw ang mga uri ng estudyante na madalas na walang pakialam sa mundo dahil tanging libro, teacher, o blackboard lang daw ang kanilang mga iniintindi. 

Diin ni Bob Ong, sila rin daw ang mga klase ng bata na hindi matatakot na magtanong ng tungkol sa equation ng X and Y sa guro kahit na badtrip ang mga ito. 

HOLLOW MAN

Ani Bob Ong, may dalawang uri daw na type A at type B na virus ang Hollow Man o HM. Ang type A daw, sila ang mga batang madalas na hindi makikita sa upuan ng klase dahil palaging absent. Habang ang type B HM naman daw ang mga batang “Hollow” ang utak. 

“Ang type A ay mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang upuan, madalas absent. Type B naman ang mga mag-aaral na bagama’t present e invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz, hollow ang utak.” 

SPICE GIRLS

Mula sa sarili nitong pangalan, sila raw ang mga klase ng estudyanteng babae na mahilig gumimik at madalas ma-late nang sabay-sabay sa pagpasok sa classroom mula sa recess at lunch break. 

Mga tipo ng estudyanteng babae na lagi raw may hawak ng suklay, brush, at magkakasama lagi kapag may pa-groupings ang mga guro para sa isang aktibidad. 

DA GWAPINGS

Saad ni Bob Ong, kung may Spice Girls, hindi raw mawawala ang mga Da Gwapings na counterpart ng naunang grupo. Aniya, isinilang ang mga Da Gwapings para magpa-cute at puro hair-gel ang laman ng utak ng mga ito. 

Paglilinaw ni Bob Ong, kadalasan daw na dalawang hanggang apat lang ang bilang ng mga miyembro ng Da Gwapings para madali raw silang mapansin ng ibang mga kaklase. 

CELEBRITIES 

Paglalahad ni Bob Ong, mahahati raw sa tatlo ang Celebrities. Ito ay ang mga politicians, athletes, at performers. 

Ang mga politicians daw ang uri ng mga estudyante na laging palaban o nag-aalala sa kalagayan ng paaralan at ng kanilang mga kaklase habang hindi naman iniintindi ang sarili nilang mga marka. 

Ang mga varsity players naman daw ang mga athletes. Patutsada ni Bob Ong, mga uri daw ng estudyante na mabibilis tumakbo ngunit mababagal naman daw magbasa. 

Kasunod, ang mga performers. Mag uri daw ng estudyante na pumapasok lang sa eskwelahan para makapag-perform, halimbawa ng pagsasayaw, pagkanta, at pagtula tuwing Linggo ng Wika. 

“Sa pangkalahatan, ang mga celebrities ay may matinding PR, pero mababang IQ,” ‘ika pa ni Bob Ong. 

GUINNEES

Paliwanag ni Bob Ong, ang mga guinness naman daw ang uri ng estudyanteng kadalasang nagtatagumpay sa karera ng buhay. Silang mga batang ginagamit ang kanilang sipag kung may kakulangan man daw sa talino. Mahilig magpasa ng mga proyekto at aktibo sa pagsagot sa mga recitation. 

LEATHER GOODS

Patutsada ni Bob Ong, ang mga leather goods naman daw ang uri ng mga estudyanteng matindi ang determinasyon sa paggawa ng mga maling paraan. Halimbawa katakot-takot na pangongopya at pandaraya. Tila raw mas makapal pa ang mga balat sa buwaya. 

WEIRDOS

Ayon kay Bob Ong, ito naman daw ang mga uri ng estudyante na kadalasang maituturing na teacher’s enemy. Mga problematiko at lagi raw hindi naiintindihan ng marami. Black sheep daw kung tawagin dahil madalas na nakikipag-away, mababa ang grades, at kaunti ang kaibigan. 

MGA ANAK NI RIZAL

Diin ni Bob Ong, ito raw ang uri ng mga estudyante na tila maituturing na endangered species o bibihira dahil ito raw ang mga well rounded sa klase at hindi geeks. Masasabi raw na teacher’s pet ang ilan sa kanila ngunit hindi mag sipsip. 

Aniya pa, ang mga anak daw ni Rizal ang magagaling sa mga subject na Math, Science, at English ngunit nakakakuha pa rin ng pagkakataon gumawa ng mga extracurricular activities at gumala. 

BOB ONGS

Pagpapatuloy ni Bob Ong, ang mga “Bob Ongs” naman daw ang maituturing na medyo matino ngunit medyo may mga sayad. Aniya, mga katulad daw niya mismo ito nag-iisip ng maisusulat na libro tungkol sa kaniyang mga kaklase. 

COMMONERS

Paghuli, ang mga commoners. Ani Bob Ong, ito naman daw ang mga uri ng estudyanteng madalas na hindi umuukit sa isipan ng iba pa. Mga estudyanteng hindi napapansin at kadalasang nakakalimutan agad ng mga guro at kaklase sa paglipas ng panahon. 

Ang punto, ang mga nabanggit na katangian ng naturang manunulat ang bumubuo sa buhay-mag-aaral ng isang bata pagtuntong nito sa high school. 

Maaaring nagbago na ang mga katawagan sa bawat uri ng mga kasalukuyang mag-aaral. Maaaring tawaging pabida, nerdo, genius, Tik Toker, Esport Gamer, Bully, Lutang, Introvert, Extrovert, ang mga kasalukuyang uri ng mga estudyante. Dinamiko ang panahon, ‘ika nga. Walang permanente sa mundo. 

Ang mahalaga: maituring na pinakamasaya yugto ng buhay ang High School.