June 02, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Dapat na bang buwagin ang Brigada Eskuwela?

ALAMIN: Dapat na bang buwagin ang Brigada Eskuwela?
Photo Courtesy: via MB

Sa pagsisimula ng pasukan ng mga estudyante sa darating na Lunes, Hunyo 8, umigting ang kaliwa’t kanang usapin tungkol sa Brigada Eskuwela.

Ang Brigada Eskuwela o kilala rin bilang National Schools Maintenance Week ay taunang programa ng Department of Education (DepEd) na ginagawa isang linggo bago magsimula ang klase.

Sa ilalim nito, nagtutulong-tulong ang kaguruan, magulang, komunidad, at pribadong sektor para ihanda at ayusin ang paaralan sa pagbubukas ng panibagong taong panuruan.

Ngunit nahaluan ito ng negatibong impresyon dahil tila tinatakasan ng pamahalaan ang responsibilidad nito sa taumbayan sa ngalan ng bolunterismo. 

Sa Facebook post ng mamamahayag at propesor na si Jimmy Domingo noong Mayo 29, binansagan niyang “big scam” ang Brigada Eskuwela.

Bakit pinaniniwalaang suwerte ang 'palindrome' dates?

Aniya, “Brigada Eskwela of DepEd Philippines is a big scam. Why place the burden, in a false sense of volunteerism, to teachers, employees and parents in fixing school grounds and facilities when you have billions of pesos at your disposal?” 

Matatandaang ipinangalandakan pa nga ng gobyerno ang makasaysayang paglalaan ng trilyong pondo sa sektor ng edukasyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).  Ito umano ang kauna-unahang pagkakataon na nagkaroon ng ganito kalaking pondo ang DepEd.

Ngunit sa ekslusibong panayam ng Balita nitong Martes, Hunyo 2, sinabi ni Ruby Ana Bernardo na bago pa man magsimula ang Brigada Eskuwela ay may mga guro na umanong nag-aabono ng gastos sa pag-aayos ng paaralan.

Si Bernardo o mas kilala bilang Titser Rubs ay public school teacher mula Quezon City at national chair ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

“Sa kasalukuyan,” sabi ni Titser Rubs, “dahil nga pangalawang araw na, nakakakita na tayo ng mga problema at gano’n din ay mga feedback mula do’n sa ating mga guro.”

“Pero bago po ‘yong pagsisimula po ng Brigada Eskuwela, nag-conduct din po ‘yong Alliance of Concerned Teachers ng survey kung saan….75 among our responders ay sinasabing gumastos na sila, humugot sa sariling bulsa para magkumpuni [at] maisaayos ‘yong mga dadatnan ng ating mga estudyante sa darating po na school year,” dugtong pa niya.

Sa kabila nito, naniniwala pa rin si Titser Rubs na magandang bagay pa rin ang pagsasagawa ng Brigada Eskuwela bagama’t iginiit niyang hindi dapat ito maging dahilan para makalusot ang gobyerno sa pangunahing tungkulin nito.

“Halimbawa, ngayong magbubukas ang klase, marami tayong mga reports na nakita na among do’n sa mga kulang nating classroom, hindi pa rin talaga napunan despite noong historic budget for classroom construction din,” saad niya.

Dagdag pa ni Titser Rubs, “165,000 pa rin ‘yong kulang nating classroom. 51,000 dito needs repair. Mga dilapidated na ‘yan. Apektado ng lindol, ng bagyo, at mga 25 years to 50 years nang nakatayo at hindi na ‘yan safe sa ating mga estudyante.”

Kaya kung susumahin, umabot na raw sa mahigit 200,000 ang kulang na classroom sa buong Pilipinas na nangangailangan ng agarang aksyon dahil na ito kakayanin pang pasanin ng mga guro.

Samantala, nananawagan din si Titser Rubs na suspindihin muna ang bagong school calendar ng DepEd na nakatakdang ipatupad sa School Year (SY) 2026-2027.

“Isang linggo na lang, magsisimula na ‘yong klase. Kaya rin nananawagan kami for deferment, i-suspend muna ‘yong three-term school calendar kung hindi pa handa,” anang national chair ng ACT.

“Kasi kung ganyan,” pagpapatuloy niya, “teacher at estudyante naman ‘yong sasalo while nasa krisis tayo. Hindi nga natututo ‘yong ating mga estudyante batay sa EDCOM 2 (Second Congressional Commission on Education) report.”

Sa ilalim ng DepEd Order No. 009, s. 2026, ang SY 2026-2027 ay mahahati sa tatlong termino na binubuo ng 201 class days, at magtatapos sa Abril 8, 2027.

Maki-Balita: 'Three-term na!' School Year 2026-2027, magsisimula sa Hunyo 8