Nakatakdang magsimula ang School Year (SY) 2026-2027 sa ilalim ng bagong school calendar sa Hunyo 8, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Lunes, Abril 20.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 009, s. 2026, ang SY 2026-2027 ay mahahati sa tatlong termino na binubuo ng 201 class days, at magtatapos sa Abril 8, 2027.
Naglalayon ang naturang order na i-optimize ang oras ng pagtuturo, suportahan ang mas tuloy-tuloy na pag-aaral, at palakasin ang pagpapatupad ng Academic Recovery for Accessible Learning (ARAL) Program.
Ayon sa DepEd na ang paglilipat sa three-term system sa mga pampublikong paaralan ay naglalayong tugunan ang paulit-ulit na pagkagambala sa klase, compressed instructional time, pagtaas ng workload ng guro, at pagbawas ng learner engagement, partikular sa mga bulnerableng estudyante.
Ang bawat termino ay mayroong isang opening period, instructional phase, at end-of-term activities.
Sa Term 1, magsisimula ang opening period simula Hunyo 8 hanggang 11, 2026. Magtutuloy naman ito sa instructional phase ng Hunyo 15 hanggang Setyembre 1, at ang end-of-term activities ay Setyembre 2 hanggang 15.
Pagdating Setyembre 16 ang instructional period ng Term 2 na hanggang Disyembre 4. Ang end-of-term naman ay Disyembre 7 hanggang 18.
Ang huling termino (Term 3) magsisimula ang instructional phase ng Enero 4 hanggang Marso 23, 2027. At ang end-of-term activities ay Marso 24 hanggang Abril 8.
Samantala, nilinaw ng DepEd na "optional" kung ipatutupad ang bagong three-term calendar sa mga pribadong paaralan, Philippine Schools Overseas (PSOs), at state and local universities and colleges (SUCs and LUCs).
Maki-Balita: Private schools, 'optional' kung ipatutupad bagong 3-term calendar—DepEd