June 06, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang naging gampanin ng isang Pinoy sa pagiging global craze ng Yo-yo

#BALITAnaw: Ang naging gampanin ng isang Pinoy sa pagiging global craze ng Yo-yo
Photo courtesy: Unsplash

Parte ng childhood ng maraming Pinoy ang  yo-yo, kasama ang ilan pang mga laruan tulad ng jackstone, pogs, trumpo, sipa, at lato-lato. 

Kaya matatandaan na nauwi ng Pinoy professional yo-yo player na si Henry Miguel “Miggy” V. Hizon ang gold medal mula sa Asia Pacific Yo-Yo Open 2026 noong Marso sa Singapore. 

Bukod kay Hizon, may isa pang Pinoy na nagkaroon ng malaking gampanin sa kasaysayan ng pagiging global craze ng laruang yo-yo. 

Ayon sa iba’t ibang artikulo, ang Pinoy na ito ay si Pedro Edralin Flores, na isang imigrante sa United States (US) noong dekada 1920s. 

Si Flores ay ipinanganak noong taong 1896 sa rehiyon ng Ilocos at lumipat sa US kung saan pumasok siya sa UC Berkeley’s Hastings College sa San Francisco. 

BALITAnaw

BALITAnaw: Mga sakit na sumulpot sa ilang politiko matapos silang makasuhan at makulong

Gayunman, hindi natapos ni Flores ang kaniyang edukasyon dito dahil noong 1928, lumipat siya sa Santa Barbara, kung saan habang nagtatrabaho siya bilang bellhop sa isang hotel, nagsimula siyang gumawa ng yo-yo para sa mga bata. 

Nobyembre noong taong iyon, nakilala ang kaniyang mga ginawang yo-yo, na nagbigay daan sa pagtayo ng kaniyang “Yo-Yo Manufacturing Company.”

Dito ay nabuo rin ni Flores ang slogan na “If it isn’t a Flores, it isn’t a yo-yo.” 

Dahil sa kumalat na “yo-yo craze,” napukaw ng mga gawa ni Flores ang atensyon ng negosyanteng si Donald F. Duncan, Sr., na nag-offer kay Flores ng $250,000 upang bilhin ang kaniyang negosyo. 

Dahil nabili na ni Duncan ang negosyo ni Flores noong mga panahong ito, nailathala na nakapagtayo ng dalawa pang subsidiary companies na nasa linya rin ng yo-yo manufacturing. 

Taong 1954, nagtayo ng isa pang negosyong yo-yo si Flores, na pinangalanang,” Flores Corporation of America,” kung saan, nakilala siya sa titulong, “Inventor of the Yo-yo” mula na rin sa pagpapakita sa iba’t ibang yo-yo competition events at conventions. 

Habang hindi si Flores ang opisyal na imbentor ng yo-yo dahil sa unang pagkakakita rito ng mga eksperto simula pa noong 1000 B.C. sa China at Greece, si Flores naman ang kinikilalang kauna-unahang “promoter” nito sa masa. 

Magmula nito, ilan sa mga makasaysayang lugar na ginamit ang yo-yo ay sa International Space Station noong Abril 1985 at 1992 at sa Asia Pacific Yo-Yo Open na unang nagbukas noong 2003, at itinuturing na pretihiyosong yo-yo competition sa Asia Pacific region.