Sumagot si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian sa naging pagdidiin ni Sen. Loren Legarda na siya pa rin daw ang tumatayong Senate President Pro Tempore sa Senado at ilegal daw ang naging quorum ng 12 na senador noong Hunyo 3, 2026.
Nauna na kasing mag-upload si Legarda ng video statement sa kaniyang Facebook page nitong Sabado, Hunyo 6, kung saan nanindigan siyang hindi raw legal ang ikinasang quorum nina Gatchalian at maitalaga bilang Senate Pro Tempore at acting Senate President ang huli.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Loren, pinagdiinang ilegal naganap na quorum at balasahan sa Senado!
Sa naging pahayag naman ni Gatchalian sa panayam sa kaniya ng media nito ring Sabado, sinabi niyang nirerespeto raw niya ang opinyon ni Legarda ngunit matibay rin daw ang naging pagpabor ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa ikinasa nilang quorum.
“Of course, we respect her opinion but matibay din ang opinyon ng Integrated Bar of the Philippines,” pagsisimula niya.
Pagtitiyak pa niya, “‘Yong association ng mga law school deans.”
Ani Gatchalian, maging ang mga dating tumayong Senate President daw ay nagsalita rin kaugnay sa kanilang nakuhang quorum pamamagitan lang 12 na mga senador.
“‘Yong mga former Senate President, nagsalita rin sila,” aniya.
Pagpapatuloy ni Gatchalian, mas mabigat daw para sa kaniya ang opinyon ng mga dating Senate President at mga miyembro ng IBP kaysa kay Legarda, ngunit nirerespeto pa rin daw niya ang kapuwa senador.
“Para sa akin, in my personal opinion, mas mabigat ‘yong opinyon nila dahil ‘yong mga ganitong bagay, pinag-aaralan natin,” pagtatapos niya.
Matatandaang nauna nang naglabas ng pahayag ang IBP Board of Governors noong Hunyo 4 upang linawin ang usapin ng quorum sa Senado sa gitna ng nagpapatuloy na kontrobersiya kaugnay ng pagpapalit ng liderato at committee heads ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Anang IBP, matagal nang nilinaw ng Korte Suprema ang interpretasyon nito sa landmark case na “Avelino vs. Cuenco” noong 1949, na naging batayan ng mga senador sa minority bloc, kasama ang biglang dumating na si Sen. Chiz Escudero mula sa majority bloc, upang magmosyong bakantehin ang lahat ng mga posisyon sa Senado at iluklok bilang bagong Senate President Pro Tempore at acting Senate President si Gatchalian.
KAUGNAY NA BALITA: Integrated Bar of the Phils, sinabing 'lawful' at 'valid' ang quorum ng 12 senador