Nanindigan sa publiko si Sen. Loren Legarda na hindi raw legal ang naging quorum ng mga senador noong Hunyo 3, 2026, at maitalaga bilang Senate Pro Tempore at acting Senate President si Sen. Sherwin “Win” Gatchalian.
Sa inilabas na video statement ni Legarda sa kaniyang Facebook page nitong Sabado, Hunyo 6, sinabi niyang malinaw naman daw na nakasaad sa 1987 Philippine Constitution na wala raw sinomang senador ang maaaring maging Senate President ng Senado kung hindi ito makakakuha ng 13 o higit pang boto.
“Malinaw na nakasaad sa Konstitusyon: Walang sinomang senador ang maaaring lehitimong tumayo bilang Pangulo ng Senado batay lamang sa labindalawang boto,” pagsisimula niya.
Aniya, pinagtibay raw ito sa sa ilalim ng 1987 Constitution at nakasaad sa Art. IV, Sec. 16, (1) kung saan sinasabing maaari lang makapaghalal ng Senate President kung aabot daw sa mahigit mayorya boto ng kabuuang 24 na bilang ng mga senador, 13 na boto bilang pagtitiyak.
Diin pa ni Legarda, nakasaad din daw sa Rule II, Sec. 2 ng Senate Rules na maaari lang makapagtalaga ng mga pangunahing opisyal ng Senado kung makakakuha ang mga ito ng humigit 13 na boto mula sa 24 na kabuuang bilang ng mga senador.
Partikular ito sa mga puwesto ng Senate President, Senate President Pro Tempore, Senate Secretary, at Sergeant-at-Arms.
“Malinaw. Labintatlong boto ang kailangan,” diin niya.
Paglalatag pa ni Legarda, nakasaad din daw sa Rule XV, Sec. 44 ng Senate Rules na tanging 13 o higit pa ang maaari lang makakuha ng quorum sa Senado at hindi raw lehitimo ang isinagawang quorum ng mga senador noong Hunyo 3.
“Kulang ng isang boto para masabing mayorya ng lahat ng miyembro ng Senado ang bumoto para sa pagbabago ng liderato,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “Samantala, sa chairmanship naman ng mga Komite ng Senado, malinaw din ang Saligang Batas sa ilalim ng Art. VI, Sec. 16(2), kung saan sinabi na a majority of each House shall constitute a quorum to do business.”
Saad ni Legarda, maaari daw kasing samantalahin ng mga senador ang basta na lang pagrere-orginisa ng Senado sa mga panahong may ilang mga miyembro nito ang magkakasakit, nasa ibang bansa, naaresto, nadetina, at pansamantalang hindi makakadalo sa sesyon.
“Kapag nangyari po ‘yon, hindi na representasyon ng taumbayan, interes at isyu ng panahon ang magtatakda kung sino ang nasa mayorya at mga opisyal ng Senado,” patutsada niya.
“Dapat manatiling, representasyon, interes ng nakararami, performance ng bawat isa, at issue ng panahon ang batayan kung sino ang magiging mayorya at pinuno ng Senado,” paglilinaw niya.
Pagpapatuloy ni Legarda, dapat daw na ipaglaban nila ang ipinag-uutos ng Konstitusyon bilang gabay sa demokrasya para sa institusyon at bawat Pilipino.
“Ang Konstitusyon ang gabay ng ating demokrasya. Ito ang dapat nating ipaglaban para sa Senado, para sa ating mga institusyon, at higit sa lahat para sa bawat Pilipino,” anang senador.
“Si Loren Legarda po, ang inyong Senate President Pro Tempore,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Gatchalian at maging ang iba pang mga miyembro ng bagong majority bloc kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Integrated Bar of the Phils, sinabing 'lawful' at 'valid' ang quorum ng 12 senador