June 04, 2026

Home BALITA National

Integrated Bar of the Phils, sinabing 'lawful' at 'valid' ang quorum ng 12 senador

Integrated Bar of the Phils, sinabing 'lawful' at 'valid' ang quorum ng 12 senador
Photo courtesy: Integrated Bar of the Philippines (FB)/MB File Photo

Naglabas ng opisyal na pahayag ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Board of Governors upang linawin ang usapin ng quorum sa Senado sa gitna ng nagpapatuloy na kontrobersiya kaugnay ng pagpapalit ng liderato at committee heads ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Sa pahayag na may petsang Hunyo 4, 2026, na mababasa sa kanilang Facebook page, ipinaliwanag ng IBP na ang batayan ng quorum ay nakasaad sa Artikulo VI, Seksyon 16 (2) ng 1987 Constitution na nagsasabing: “A majority of each House shall constitute a quorum to do business…”

Ayon sa IBP, matagal nang nilinaw ng Korte Suprema ang interpretasyon nito sa landmark case na "Avelino vs. Cuenco" noong 1949, na naging batayan ng mga senador sa minority bloc, kasama ang biglang dumating na si Sen. Chiz Escudero mula sa majority bloc, upang magmosyong bakantehin ang lahat ng mga posisyon sa Senado at iluklok bilang bagong Senate President Pro Tempore at acting Senate President si Sen. Win Gatchalian, gayundin ang iba't ibang committee heads.

Binanggit ng grupo ang bahagi ng desisyon ng Korte Suprema na nagsasabing: “When the Constitution declares that a majority of ‘each House’ shall constitute a quorum, ‘the House’ does not mean ‘all’ the members.”

Ipinaliwanag ng IBP na ang naturang desisyon ay nagtataguyod ng praktikal na interpretasyon ng Konstitusyon upang matiyak na patuloy na makagagampan ng tungkulin ang Senado at hindi mapaparalisa dahil lamang sa kawalan ng ilang miyembro.

National

Padre Pio Shrine, isa nang international shrine!

Ayon pa sa pahayag, maaaring ilapat ang tinatawag na Avelino doctrine sa sesyon ng Senado noong Hunyo 3, 2026, kung saan 12 senador lamang ang pisikal na dumalo.

Ipinaliwanag ng IBP na may dalawang senador na hindi maaaring piliting dumalo sa sesyon. Ang isa ay nakadetine dahil sa isang kasong hindi maaaring piyansahan, na si Sen. Jinggoy Estrada, habang ang isa naman ay hindi umano matukoy ang kinaroroonan mula pa noong Mayo 11, 2026, na si Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa.

“Therefore, these two (2) senators are considered as beyond the reach of the Senate and cannot be compelled to attend its sessions," anila.

Dahil dito, sinabi ng IBP na ang dalawang senador ay hindi isinama sa bilang ng mga miyembrong maaaring bumuo ng quorum. Mula sa orihinal na 24 senador, naging 22 na lamang ang itinuturing na available members.

“With their exclusion, the total number of Senators considered available was twenty-two (22). Twelve (12) Senators therefore constituted a majority of those available, and thus a valid quorum was constituted for the Senate to conduct official business.”

Sa kabuuan, iginiit ng IBP na ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3 ay "lawful," "legal" at "valid" sa ilalim ng umiiral na jurisprudence.

“In short, the Senate session of June 3, 2026 was lawful and valid following the Avelino doctrine because a quorum of 12 Senators was constituted.”

Dagdag pa ng grupo, lahat ng mga aksyon, resolusyon, at desisyong ginawa sa naturang sesyon ay dapat ituring na mga opisyal na hakbang ng Senado alinsunod sa "presumption of regularity" sa pagtupad ng mga opisyal sa kanilang tungkulin.

Lumabas ang pahayag ng IBP habang nagpapatuloy ang pagtatalo ng dalawang kampo sa Senado hinggil sa legalidad ng mga sesyon at mga naging desisyon kasunod ng pagbabago sa liderato ng Mataas na Kapulungan.

Sa isinagawang Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, ipinaliwanag ni Sen. Rodante Marcoleta na hindi puwedeng gamitin ang Avelino vs Cuenco, gayundin ang nangyari noong 2015 sa Senate presidency ni dating Sen. Franklin Drilon, dahil karamihan sa mga senador ay wala sa Pilipinas, kaya hindi sila sakop ng kapangyarihan ng Senado.

Sa kaso nina Sen. Jinggoy at Sen. Bato, pareho raw silang nasa loob lamang ng bansa.

Iginiit naman ni Cayetano na siya pa rin ang "legitimate," "legal," at "moral" Senate President. 

Maki-Balita: 'I'm still the legitimate, legal, moral Senate President!'—SP Cayetano

Maging ang pinalitan ni Gatchalian na si Sen. Loren Legarda, sinabing "unconstitutional" ang naganap na pagbabago sa liderato ng Senado.

Maki-Balita: Sigaw ni Sen. Loren Legarda: Pagpapalit ng liderato sa Senado unconstitutional!