Nanindigan si Senate President Alan Peter Cayetano na nananatili pa rin daw siyang lehitimo at legal na pinuno ng Senado sa kabila ng naging quorum ng 12 na mga senador nitong Miyerkules, Hunyo 3, 2026.
Pagkatapos ito ng naging panggugulat ni Sen. Chiz Escudero sa publiko nang bigla siyang dumating sa sesyon ng Senado at makiisa sa quorum na pinangunahan ng tumayong Senate President Pro Tempore at acting Senate President na si Sen. Win Gatchalian kasama ang lahat ng miyembro ng minority bloc.
Dahil dito, tuluyan nang napalitan ng mga miyembro ng minorya ang chairmanship ng mga miyembro ng majority sa iba’t ibang Komite ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
KAUGNAY NA BALITA: Tawid-bakod na? Sen. Chiz, binulaga plenary session!
Batay naman sa naging tugon ni Cayetano sa isinagawa niyang Facebook live nito ring Miyerkules, nanindigan siyang matutuloy pa rin ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa darating na Huwebes, Hunyo 4, sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
“Let’s all reflect on this and pray. But tomorrow, tuloy ang hearing ng Blue Ribbon Committee,” pagsisimula niya.
Tindig ni Cayetano, “I am still the legitimate, legal, moral Senate President of the Republic of the Philippines.”
Aniya pa, kailangan daw marinig ng publiko ang testimonya ng mga tatayong testigo sa nakatakdang pagdinig ng nabanggit na Komite kaugnay sa maaanomalyang flood control projects.
“There [are] still functioning committees. We have to hear the testimonies. Invited po pati po ‘yong mga gumawa ng illegal ngayon,” saad niya.
Babala naman ni Cayetano, maaari daw silang pigilan ng minorya ngunit mas ang taumbayan daw talaga ang hahadlangan nilang malaman ang katotohanan umano sa naturang anomalya.
“You can try to stop us but you will be stopping the Filipino people,” pagtatapos niya.
Samantala, inanunsyo naman ng bagong itinalagang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee na si Sen. Erwin Tulfo na nakatakda raw silang magsagawa ng pagdinig sa darating na Hunyo 8.
KAUGNAY NA BALITA: Blue ribbon committee hearing, ikakasa sa Hunyo 8—Sen. Erwin
KAUGNAY NA BALITA: 'Sen. Chiz do not believe in what they are fighting for!'—Sen. Erwin