September 09, 2024

Home BALITA Metro

Life expectancy ng mga Manilenyo, pinag-aaralan kung paano mapapahaba—Lacuna

Life expectancy ng mga Manilenyo, pinag-aaralan kung paano mapapahaba—Lacuna
Manila Mayor Honey Lacuna (File photo)

Ibinunyag ni Manila Mayor Honey Lacuna na pinag-aaralan ng kanyang administrasyon kung paano mapapahaba ang life expectancy ng mga residente nito habang tinitiyak na ang uri ng kanilang pamumuhay, partikular na ang mga senior citizen, ay de kalidad, kuntento at masaya.

“Pinag-aaaralan natin ang mga dapat nating gawin upang mapahaba ang ‘life expectancy’ ng ating taumbayan. Hindi lang mapahaba ang buhay ng Manileño, bagkus, mapahaba nang mayroong de-kalidad ang buhay ng ating mga senior citizens, na masaya at walang sakit,” ayon sa alkalde, sa kanyang idinaos na State of the City Address (SOCA).

“Sa mga polisiya patungkol sa pagkain, ehersisyo, linis ng hangin at kapaligiran at iba pa, ‘yan po ang tunay na layunin ng planong  pangkalusugan ng ‘Magnificent Manila.’ Sa kabila ng pangangailangan nating maghigpit ng sinturon, tinuloy, tinapos ang mga nasimulan, at naglunsad pa tayo ng mga programang higit na kinakailangan ng mas nakararaming Manilenyo,” dagdag pa niya.

Matatandaang bilang isang doktor, kabilang sa mga prayoridad ng alkalde ang pangkalahatang maayos na kalusugan ng mga mamamayan.

Metro

Quezon City LGU, nakapagtala ng 2 bagong kaso ng mpox

Matatandaang pinamunuan ni Lacuna, noong siya pa ang bise alkalde ng lungsod, ang health cluster ng Maynila, partikular na noong panahon ng pandemya.

Kabilang na dito ang Manila Health Department (MHD) at anim na pagamutan na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan, at nagkakaloob ng mga libreng health services para sa mga residente.

Iniulat din naman ng alkalde na ang mga city-run hospitals na kinabibilangan ng Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at Sta. Ana Hospital, kasama ang Manila Health Department (MHD), ay pawang ISO-certified na.

“Ang ISO certification ay isang katiyakan ng mataas na kalidad ng ating serbisyong pangkalusugan at maayos na sistema ng ating mga ospital. Patunay ito na maging sa kalusugan, nagiging ganap na ang pagiging ‘World Class’ ng ating lungsod,” dagdag ng alkalde.

Ang lahat naman ng mahigit 40 health centers sa lungsod ay pawang may kakayahan na ring magsagawa ng simpleng laboratory tests para sa blood, cholesterol, urinalysis at iba pa.

Anang alkalde, ang bawat health center ay mayroon na ring ECG at ultrasound services para sa mga buntis upang hindi na nila kailanganin pang magtungo sa mga pagamutan o mga private laboratories o clinics.

“Mayroon na rin tayong portable dental x-ray, mobile laboratory and x-ray van na umiikot sa buong Maynila. At ang lahat ng mga ito, ay libre. Sinigurado natin na maibigay din ang mga maintenance medicines tulad ng lozartan, metformin, amlodipine at iba pa, sa mga kababayan nating nangangailangan nito,” ani Lacuna.

Samantala, inilunsad na rin ng lungsod ang “Walang Batang Manileñong Bungi sa 2030,” kung saan ang mga kindergarten at Grade 1 pupils ay pinagkakalooban ng fluoride at sealant upang mapanatili ang kalusugan ng kanilang mga ngipin.

“Para naman sa ating mga pampublikong High School na mag-aaral, ay mayroon tayong “Alis Sungki Balik Ngiti Program,,” aniya.

Iniulat rin ng alkalde na mahigit sa 100 high school students ang nabigyan na ng lokal na pamahalaa ng libreng dental braces at dentures.

Sa kabilang dako naman, ang “Responsable Ako: Huwag Maging Biba [Batang Ina, Batang Ama]” adolescent health program ay dinala na rin umano sa iba’t ibang high schools sa Maynila upang tugunan ang lumalaking bilang ng teenage pregnancies.

Ito ay sinabayan rin ng “Ang Bata, Bata, Planado kang Ginawa Safe Motherhood Program” kung saan mula sa 36,000, ang bilang ng family planning acceptors ay tumaas pa sa 157,872 sa loob lamang ng isang taon.

Layunin nitong matugunan ang lumalaking populasyon ng lungsod.