Nawindang ang mga dumalo sa ginanap na media conference ng Pinoy Big Brother (PBB) Gen 11 dahil sa biglang nasambit ng TV host na si Robi Domingo.
Sa naturang mediacon kasi nitong Huwebes, Hulyo 4, nausisa ang mga magsisilbing host ng bagong season ng PBB na sina Robi, Melai Cantiveros, Bianca Gonzales, Enchong Dee, at Alexa Ilacad tungkol sa kung ano ang pwede nilang gawin para mapaalalahanan ang publiko sa mga mapagsamantalang tao na ginagamit ang pangalan ng nasabing reality show para manloko ng kapuwa.
Ayon kay Melai, kapag may mga mall show daw siya sa ibang lugar, pinaaalalahanan daw niya ang mga tao na mag-ingat sa mga nagpapabayad sa audition dahil naman daw talaga itong bayad.
Para naman kay Robi: “Maliban sa paggamit ng platform para makatulong, I guess constant reminder to everyone lang na hindi po nagpapabayad ‘yong ABS-CBN when it comes to auditions.”
Noong si Bianca na ang tinanong, iminungkahi niya na kapag hindi sigurado sa nabasang impormasyon tungkol sa audition online, itsek muna ang official account.
“Usually naman, ‘yong official account makakakita kayo ng blue na check. At kung hindi pa rin, mas magtanong kayo sa ibang tao kasi kung mayro’n nang pinapagawa na something na medyo hindi maganda ‘pag tinanong mo ‘yan sa ibang tao makakatulong sila na ‘huy, hindi ‘yan totoo. Fake ‘yan,’” aniya.
“Yes,” sang-ayon ni Robi kay Bianca. “Saka, ano, check ‘yong television sets. Kasi kahit anong mangyari, may ABS-CBN pa rin.”
Agad naman siyang sinita ng entertainment editor na si Jun Lalin nang mapagtantong tila may iba pang pwedeng ipakahulugan sa sagot ni Robi. Pati kasi si Bianca ay napa-react din sa sinabi nito.
“Mayro’n, Robi?” usisa ni Bianca.
“Huy, Robi, baka sabihin may pinaparinggan kang aktor, ha,” sey naman ni Jun.
Dahil dito, natigilan tuloy si Robi at tila hindi nagulat sa kaniyang nasambit. Agad naman siyang dinepensahan ng co-host niyang si Melai.
"Sumagot lang naman siya doon sa kuwan, sa legit na mga kuwan," saad ni Melai.
Samantala, nang makabawi si Robi mula sa pagkabigla ay ipinagtanggol niya ang sarili at itinanggi ang posibleng iparatang sa kaniya.
Ayon sa kaniya: “Wala po akong pinaparinggan, sinasagot ko lang po ‘yong tanong."
Matatandaang naging usap-usapan kamakailan ang Kapuso star na si Dennis Trillo dahil sa umano’y sarkastikong tanong nito kung may ABS-CBN pa ba.
Nagbigay naman ng pahayag ang manager ni Dennis para depensahan ang aktor sa mga batikos at intrigang ibinabato rito.
MAKI-BALITA: Tanong ni Dennis Trillo kung 'May ABS pa ba?' dinagsa ng batikos
MAKI-BALITA: Dennis Trillo, dinepensahan ng manager kaugnay ng 'hacking incident'