Pinayuhan ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez ang Ppop girl group na BINI para sa first solo concert nilang “BINIverse.”

Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News nitong Martes, Hunyo 18, sinabi ni Regine na i-enjoy lang daw nila ang kanilang moment sa concert.

"Just enjoy it. When you're doing a concert, hindi mo mahe-help ang sarili mo. You will really enjoy it, because your audience will just give you love,” saad ni Regine.

Dagdag pa niya: “Biruin mo, ikaw ang purpose mo lang is to entertain [...] Kung ano 'yung energy na you're putting out, ibabalik nila 'yun sa'yo, ten-fold."

Events

Blooms, excited na sa world tour ng BINI sa 2025

Bukod pa rito, inihayag din ni Regine ang ambag ng BINI para bigyang-buhay ang OPM hindi lamang sa buong bansa kundi pati na rin sa internasyonal na espasyo.

"Natutuwa ako kasi, they're giving life to OPM. Kumbaga, hindi lang sa sarili nila, sa career nila. They're actually bringing life to our music. Tapos, ipinapakilala nila pa sa buong mundo 'yung music natin." pahayag ng Asia’s Songbird.

Nakatakdang ganapin sa loob ng tatlong araw—mula Hunyo 28 hanggang Hunyo 30—ang BINIverse concert sa New Frontier Theater.